Advertisers
NAGSALITA na ang pastor na usap-usapan sa social media na “sugar daddy” ng girlfriend ng pinaslang na Mister Cagayan de Oro candidate kamakailan, at siya pa raw ang umano’y utak sa pagkamatay ng biktima.
Napabalita noong Mayo 9 ang pamamaril sa Mister CDO candidate na si Adriane Rovic Fornillo, 23, nang magtungo ito sa Barangay Nazareth para sa paghahanda niya sa nalalapit na pageant.
Nito lamang Agosto, kumalat sa social media ang umano’y dahilan ng pagpaslang kay Fornillo nang mag-viral ang post ng girlfriend nito, may pangalan sa Facebook na “Jone Leanel Orog”.
Ayon sa mga kumakalat online, “sugar daddy” umano ni Orog si Bishop Dimver Andales.
Suportado pa umano ng pastor ang mga “luho” ni Orog, kungsaan ginamit raw nito ang pera para bilhan ng “motor” ang nobyong si Fornillo. Umabot daw sa milyon ang naibigay ng pastor kay Orog.
Sa nalalapit daw na kaarawan at graduation ng dalawa, binigyan daw ni Fornillo si Orog ng promise ring at ginawa pa umano nilang cover photo sa Facebook.
Dahil dito, nagselos at nagalit umano ang pastor, hanggang sa humantong pa umano sa puntong pinapili nito ang babae kung siya o ang nobyo nito.
Ang nasabing pagseselos umano ang dahilan kung bakit pinapaslang daw ng pastor si Fornillo.
Gayunpaman, pinabulaanan ito ng pastor nitong Sabado, Agosto 12. Sinabi ni Andales na walang batayan ang mga isyung ibinabato sa kaniya.
Iginiit ng pastor na ilang buwan na ang nakalipas mula nang paslangin si Fornillo, at nasa Bukidnon siya kasama ang kaniyang pamilya nang mangyari ang krimen.
Pinabulaanan din ni Andales na “sugar daddy” siya ni Orog dahil ang totoo raw ay “happily married” siya.
Nanawagan din siya sa mga tao sa social media na maging mapanuri sa kanilang nababasa online dahil “dummy accounts” lamang ang nagpo-post ng mga isyu laban sa kaniya.
Balak magkaso ng pastor sa taong nasa likod ng posts na naninira ng kaniyang pangalan lalo na’t tatakbo ang kaniyang anak sa paparating na barangay election.
Wala pang pahayag ang pamilya ni Fornillo o si Orog hinggil sa mga impormasyong lumalabas sa social media.