Advertisers
NANINDIGAN ang Sandiganbayan 2nd Division sa desisyon nito na ibasura ang Civil Case No. 0014 na inihain laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., dating first lady Imelda Marcos, at umano’y kanilang cronies at properties gaya ng hotels, resorts, at iba pang korporasyon.
Ang Civil Case No. 0014 ay isa sa forfeiture cases na inihain noong 1987 sangkot dito ang assets at properties na pagmamay-ari ng dating pangulo at unang ginang.
Kung saan tinatayang nasa P581 million ang halaga ng naturang subject properties.
Sa isang resolution na inilabas ng korte nitong Martes, ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Solicitor General dahil sa kawalan ng merito.
Sinabi rin ng korte sa resolution na nilagdaan ni Associate Justice Arthur Malabaguio, na sinang-ayunan nina Division Chairperson Oscar Herrera, Jr. at Associate Justice Edgardo Caldona, na ang mga alegasyon sa naturang mosyon ay pag-uulit lamang ng mga isyu na napagpasyahan na at makatarungang naresolba na ng korte.
Idiniin din ng korte sa pagbasura nito sa apela na ang testimonya ng Presidential Commission on Good Government records custodian na si Maria Lourdes Magno ay nasa kategorya ng hearsay evidence. (Mula sa Bombo Radyo)