Advertisers
NASAWI ang isang pulis at isang drug dealer sa isang entrapment operation na nauwi sa palitan ng putok ng magkabilang panig sa Indanan, Sulu nitong Martes, August 9.
Ayon kay Major Edwin Catayao Sapa, hepe ng Indanan Municipal Police, ang nanlaban na drug dealer na napatay sa engkwentro ay si Jundol Abdurahman, 45 anyos, kilala sa pagbebenta ng shabu sa Indanan at mga karatig na bayan sa Sulu.
Sa pagamutan na pumanaw ang kasapi ng Indanan Municipal Police Station na si Staff Sgt. Julmakar Paddam Alih, 37, dahil sa tama ng bala sa mukha na tumagos sa likurang bahagi ng kanyang leeg.
Sa ulat, aarestuhin na sana si Abdurahman at mga kasama nito ng anti-narcotics team na pinamumunuan ni Sapa nang maglabas ito ng baril, nagpaputok at tinamaan si Alih, kaya siya napatay ng mga kasama nito.
Apat na mga kasabwat ni Abdurahman sa pagbebenta ng shabu, sina Jibal Hassan Sabtal, 30; Itik Arrang Maldisa, 18; Mansul Buddi Alih, 48; at Binang Hailil Alano, 33; ang kusang loob na nagpaaresto nang makitang nakahandusay na ang lider ng kanilang grupo sa pagbebenta ng shabu.
Nasamsam mula sa mga suspek ang abot sa P242,000 halaga ng shabu.