Advertisers
PARA mas mapaunlad pa ang coconut industry pinaigting ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang kooperasyon nito at suporta sa grupo ng coconut farmers sa bansa.
Kasunod ito ng paglagda sa isang memorandum of understanding ng PCA sa pangunguna ni PCA Administrator Bernie Cruz sa Confederation of Coconut Farmers Organizations of the Philippines (CCFOP-CONFED) at Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM).
Nabatid sa ilalim ng kasunduan, kapwa isusulong ang pagpapalawak ng mga programa at polisiya para mapalago pa ang industriya ng pagniniyog at manatiling nangunguna ang Pilipinas bilang coconut producing country sa buong mundo.
“Top 3 dollar earner ang coconut industry sa bansa kaya dapat mapanatili natin ang pagiging producer ng ating bansa sa coconut” ayon kay Cruz.
Ayon pa sa PCA administrator kasama rito ang massive coconut planting alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 milyong puno bago matapos ang kanyang termino.
Sinabi pa ni Cruz, tutulungan nito ang mga magsasaka na makapagtanim ng mga bagong variety ng niyog na mas doble ang bunga upang mas mapaunlad ang industriya ng coconut.
“Sa kasalukuyan 69 province sa Southern Tagalog region at karatig rehiyon ang producing ng coconut industry “ sinabi pa ni Cruz.
Ayon pa sa PCA administrator malaki ang potential ng coconut industry na umunlad ito dahil malaki ang demand nito sa bansa maging sa international marker.
Bukod dito, tutulungan rin itong magproseso ng ibat ibang coconut products na in demand ngayon sa world market.(Boy Celario)