Advertisers
NAGSAMPA ng kasong ‘graft and corruption’ ang mga opisyal ng Bohol Clean Water Alliance (BCWA) nitong Miyerkules (August 9, 2023) laban kina Mayor Maria Pureza Chatto ng Balilihan, Bohol, at anim pang matataas na opisyal dahil sa umano’y “fraudulent” water permit.
Bukod kay Mayor Chatto, ang mga sinampahan ng criminal complaint sa Office of the Ombudsman ay mga opisyal at director ng National Water Resources Board (NWRB) na kinabibilangan nina Undersecretary Analiza Rebuelta-Teh ng Department of Environment and Natural Resources (DENR ); Undersecretary Rosemarie Edillon ng National Economic Development Authority (NEDA); Senior State Counsel Rosario Elena Laborte-Cuevas ng Department of Justice (DOJ); Director Juanito Batalon ng Department of Science and Technology (DOST); Director Roberto S. Soriano ng National Hydraulic Research Center (NHRC); Executive Director Sevillo D. David ng National Water Resources Board (NWRB); at Balilihan Mayor Chatto.
Ayon sa BCWA officials sa pangunguna nina Chairman Emmanuel Ramasola at President Erastus Leopando, ang naturang NWRB officials ang nagbigay ng conditional water permit (CWP No. 01-22-20-008) sa local government unit (LGU) ng Balilihan kahit wala itong malinaw batayan.
Nag-ugat ang isyu sa Resolusyon ng NWRB na may petsang Hunyo 2, 2022 kungsaan sinabi ng mga nagrereklamo na napipinsala ang mga taga -Barangay Magsaysay at Sevilla, Bohol dahil sa naturang water project
Anila, sukdulang masama ang ginawa ng LGU Balilihan na kumuha ng tubig mula sa Bugwak Spring sa Barangay Magsaysay, Sevilla nang walang pahintulot mula sa kanilang pamahalaang bayan. Ito, aniya, ay paglabag sa territorial jurisdiction ng Barangay Magsaysay at Sevilla dahil wala itong pahintulot. Wala rin umanong permit ang proyekto mula sa Barangay Magsaysay at sa LGU Sevilla.
Nadiskubre sa NWRB ocular inspection noong Disyembre 2021 na ang aktwal na pwesto o eksaktong lokasyon ng Bugwak Spring ay nasa Brgy. Magsaysay, Sevilla, Bohol at hindi sa Balilihan.
Dahil dito, dapat umanong kasuhan ang mga respondents dahil sa pagbibigay ng hindi nararapat na benepisyo at pagkiling sa LGU Balilihan, diin ng BCWA officials.