Advertisers

Advertisers

17-anyos napagkamalang murder suspect, patay sa mga pulis

0 254

Advertisers

SINIBAK na sa puwesto ang anim na pulis sa Navotas City kaugnay sa pagkamatay ng 17- anyos na lalaki na napagkamalan umanong suspek ng mga pulis at pinagbabaril.

Kinilala ang biktima na si Jemboy Baltazar.

Papalaot sana noong tanghali ng August 2 ang biktima para maghanapbuhay sa Barangay NBBS Kaunlaran nang mangyari ang pamamaril.



Kuwento ng kaibigan ng biktima, nililimas nila ang tubig sa bangka na kanilang gagamitin nang dumating ang mga pulis at pinapababa sila.

Dahil nagpaputok ng baril ang mga pulis, tumalon sa tubig si Baltazar pero pinagbabaril pa rin siya.

Ang kaibigan ni Baltazar ay nakaligtas dahil itinaas niya ang kaniyang mga kamay.

Ayon sa pulisya, may tinutugis silang suspek sa pamamaril sa naturang barangay. Batay umano sa natanggap na impormasyon, nasa isang bangka sa NBBS ang suspek.

Pero inamin ng Navotas Police na hindi si Baltazar ang hinahanap na suspek, at mali ang proseso sa ginawang operasyon.



“Late na nilang nalaman. Nalaman na nilang namatay na iba pala ang nandoon. Dahil tumalon sa tubig, nagkamali sila dahil sa pagpapaputok sa tubig at tinamaan ang biktima,” ayon kay Colonel Allan Umipig, hepe ng Navotas Police.

Dagdag niya, dapat ginamitan ng mga pulis ng megaphone ang binatilyo para sabihan na sumuko nang maayos.

Hindi matanggap ng pamilya ang sinapit ng biktima, na isang OFW ang ina.

Ayon kay Rodaliza, ina ng biktima at OFW ngayon sa Qatar, sadyang hindi binuhay ng mga pulis ang kaniyang anak dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala sa mukha.

“Sino pang mabubuhay dun sa dalawang tama sa ilong, sa may sa noo. Sino pang mabubuhay sa ganun? Talagang hindi nila binigyan ng pagkakataon yung anak ko na mabuhay,” hinanakit ng ina ng biktima.

Sinampahan ng kasong homicide ang anim na pulis.