Advertisers
PINAGMULTA ng Pasay City Regional Trial Court, Branch 112, ang walong opisyal ng lending company na Phil86 Gurunanak Lending and Trading Corp. ng tig-P10,000 dahil sa mga pekeng dokumentong isinumite nila sa Securities and Exchange Commission para sa registration ng kompanya.
Kinilala ang mga pinagmulta na sina Nicanor Borong, Nelson Henson, Irene Romero, Michael Ligaray, Regina Elizon, Gurjant Singh, Harnaib Singh, at Gurmeet Kaur.
Ayon sa SEC, umamin ang walo sa reklamong nameke sila ng mga dokumento. May isa pang opisyal ng kompanya, si Tarsem Singh Dhaliwal, na kaaamin lamang ngayong linggo sa pagsusumite ng mga pekeng dokumento.
Nagsumite ng certificate of bank deposit ang grupo para sa P1 milyon na galing diumano sa Banco de Oro-Two Shopping Center Branch sa Pasay City bilang pagtupad sa minimum paid-up capital na inoobliga ng SEC sa lending companies.
Nang nakipag-ugnayan ang SEC sa bangko, nalaman nitong walang iniisyung certificate ang bangko at tuluyan na nitong binasura ang aplikasyon nila para magtayo ng lending company.