Advertisers
NASAMSAM ng Department of Agriculture (DA) kasama ang Bureau of Customs (BOC) ang toneladang expired na karne na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P35 milyon sa isang bodega sa Meycauayan, Bulacan nitong Martes.
Sa ulat, naire-repack ang mga nasabing karne at muling ibinebenta sa mga palengke ang mga expired na pork at beef products.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng inilabas na Letter of Authority ng BOC.
Nadiskubre sa dalawang storage facility ang mga nabubulok na produktong karne, kabilang na ang mga paa ng baboy, karne ng tupa at balat ng manok.
Tiniyak ni DA Assistant Secretary James Layug na pinuno rin ng DA-IE, ipasasara nila ang dalawang storage facility at sasampahan ng kaso ang mga may-ari nito dahil sa pagpupuslit ng agricultural commodities.
Walang naaresto sa isinagawang raid, dahil walang tao sa loob ng bodega habang isinasagawa ang operasyon. Nasa ibang bansa din umano ang may-ari ng bodega.
Nabatid na nagmula sa iba’t ibang bansa tulad ng India at Germany ang mga nakumpiskang karne, na umano’y nag-expire noon pang 2021 .