Advertisers

Advertisers

NCRPO BAR PASSERS AT MGA BAGONG POLICE COLONELS, PINARANGALAN

0 204

Advertisers

WALONG mga bagong abogadong pulis at apat na mga bagong promote na Police Colonels ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ginawaran ng pagkilala sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Camp Bagong Diwa, Bicutan,Taguig City.

Sa pangunguna ni NCRPO Regional Director, PMGen Edgar Alan O Okubo ay personal na binati niya ang walong PNP Personnel ng NCRPO sa 3,992 Bar examinees na pinalad makapasa sa kakatapos lamang na November 2022 Bar Examinations.

Ang mga bagong abogadong pulis ay kinilalang sina PLTCOL ERVING D CHAN ng Makati City Police Station, PMSg Jose Mari Q Whiteside ng Southern Police District, PSSg Jerusalem B Dulnuan ng Pasig City Police Station, PSSg Marie Rachelle V Dulnuan ng Pasig City Police Station, PSSg Desiree C Pasong ng Office of the Regional Director; PSSg Lovely May B Janquin ng Regional Mobile Force Battalion, at PCpl Dizzy B Dominong ng Southern Police District.



Kasabay nito ay kinilala rin ang apat na bagong hirang na Police Colonels na sina PCol Ronaldo A Plecerda, Chief, DPRMD, SPD; PCol Ferdinand L Balgoa, Chief, DLD, NPD; PCol Geovanny Emerick A Sibalo, Battalion Commander, DMFB, QCPD; at PCol Donna N Villareal, Chief, RLO, NCRPO.

Bilang bahagi ng nasabing pagtitipon ay ipinaabot ng mga pinarangalan ang kanilang taus-pusong pasasalamat hindi lamang sa parangal na iginawad para sa kanila kundi maging sa suportang natanggap nila mula sa pamunuan ng NCRPO. Pinasalamatan din nila ang kanilang mga mahal sa buhay sa mahabang pang-unawa at pagtitiwala sa kanilang kakayahan.

Samantala, malugod namang tinanggap ng mga bagong Police Colonel ang hamon ng panibagong ranggong iginawad sa kanila at nangakong mas patataasin pa ang antas ng paglilingkod na kanilang ibinibigay sa mga mamamayan ng Metro Manila.

“Masaya akong masaksihan ang matagumpay ninyong pagharap sa panibagong hamon sa inyong mga karera bilang mga alagad ng batas. Sa pagpapalawig ninyo ng inyong propesyon, kasabay nawa nitong lumawig din ang inyong pagnanais na higit na mapaghusay pa ang inyong paglilingkod sa taumbayan. Sama-sama tayong maglingkod ng buong husay at katapatan,” mensahe ni Okubo

Ipinaabot din niya ang kanyang paghanga sa husay na ipinamalas ng mga bagong abogado na nagdala ng karangalan para sa NCRPO.



“Malugod ko ring binabati ang mga bagong abogado sa ating hanay. Umaasa ako na gagamitin ninyo ang inyong angking talino sa batas upang higit na makatulong sa ating mga kababayan at makatiyak na wasto ang ating kapamaraanan sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng mga reklamo. Sa tulong ninyo posible na tayong makapaghandog ng libreng serbisyong legal sa ating mga mamamayan sa ilalim ng NCRPO Development Framework,”dagdag ni Okubo. (JOJO SADIWA)