Advertisers
IBINASURA ng Bacolod Regional Trial Court ang apela na magpalabas ng Preliminary Injunction at Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang Joint Venture Agreement (JVA) na nilagdaan noong Hunyo 3 sa pagitan ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) at Primelectric Holding Inc.
Sa dalawang pahinang desisyon ng korte, sinabi ni RTC Branch 6 Presiding Judge Maria Lina Gonzaga na nilabag ng petitioner na sina Pepito Pico, Rommel Pido at Aaron Sorbito ng Negros Consumers’ Watch (NCW) at Convenors of Anti CENECO JVA Coalition (ACJC) ang proseso sa paghahain ng petisyon sa korte.
Sinabi ni Judge Gonzaga, batay sa rekord ay lumitaw na hindi nabigyan ng kopya ng petisyon ang respondents sa kaso na kinabibilangan ng Ceneco Board of Officers sa pangunguna ng pangulo nito na si Jojit Yap at board members na sina Ariel Guides, Eugenio Velasco, Antonino Panique, Dwight Carbon, Noel Alarcon, Nicanor Jison, at ang Primelectric Holdings Inc. at Negros Electric Power Corporation na kapwa pinipresenta ni Roel Castro.
Ayon sa korte, isa sa pangunahing proseso sa isang aplikasyon na humihiling ng TRO ay dapat alam ng kabilang panig, sa nasabing kaso ay hindi nabigyan ng notice ang adverse party.
“When an application for a writ of preliminary injunction or a temporary restraining order is included or a temporary restraining order is included in a complaint or any initiatory pleading, the case, if filed in a multiple-sala court, shall be raffled only after notice to and in the presence of the adverse party or the person enjoined,” nakasaad sa desisyon.
“In any event such notice shall be preceded or contemporaneously accompanied by service of summons together with a copy of the complaint or initiatory pleading and the applicant’s affidavit and bond, upon the adverse party,” ayon pa sa desisyon.
Dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso na itinatakda ng batas ay ibinasura ang petisyon noong Hunyo 22.
Ang JVA sa pagitan ng Ceneco at Primeeletric Holdings Inc ay naglalayong maisalba ang power industry sa Negros, nasa P4 billion investment ang ilalaan para sa modernisasyon kasama dito ang pagbili ng assets at budget para sa capital expenditures (Capex).
Nasa 1,000 barangay leaders, business groups, multi sectoral groups at maging ang lokal na pamahalaan ang pabor sa nabuong JVA para narin tuluyan nang maresolba ang problema sa kuryente sa rehiyon kabilang dito ang madalas na nararanasang brownout at mataas na presyo ng kuryente dala ng systems loss na umaabot sa P20 million kada buwan.
Umaabot sa 220,000 ang Ceneco consumers, 70 percent nito ay nasa Bacolod City habang ang 30 percent ay nasa mga lungsod ng Talisay, Silay, Bago, Murcia at Don Salvador.
Ang JVA ay nakatakdang isalang sa referendum sa June 24,25 at sa July 1 at 2.