Advertisers

Advertisers

COL. DE CHAVEZ “BULAG” SA MINI CASINO SA LIAN AT BAUAN, BATANGAS?

0 1,197

Advertisers

MAY bagong PNP provincial director ang Batangas sa katauhan ni Col. Raineiro M. De Chavez kapalit ni Col. Pedro Soliba na inalis kamakailan sa pwesto ni Philippine National Police Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. dahil sa paningin ng mga mamamayan ay bigo itong isakatuparan ang mandato bilang hepe ng kapulisan sa lalawigan.

Si Col. Soliba ay tinanggal na PD ng Batangas dahil sa persepsyon na tila naging bulag, pipi at bingi sa mga sumbong, reklamo at daing ng mga Batangueno sa mga nangyayaring kabulastugan partilkular laban sa mga nagkalat na operasyon ng STL-con jueteng, loteng, sakla, iba pang illegal gambling at ang tinataguriang mini casino sa mga bayan ng Lian at Bauan.

Marahil nakarating sa kaalaman ng PNP Chief na naging palpak ang liderato ni Col. Soliba dahil hindi niya nasawata ang pagdami ng mga pasugal na prente ng bentahan ng droga at iba pang illegal na aktibidades na naging dahilan ng pagdami ng kriminalidad sa ibat ibang lungsod at bayan sa naturang probinsya.



Si Col. De Chavez ang nahirang ng Camp Crame dahil ito daw ay isang magaling na opisyal na may kakayahang linisin ang Batangas sa illegal gambling at illegal drug. Dapat na sigurong matakot ang mga halang ang kaluluwa na patuloy na naghahasik ng lagim na sanhi ng pagtaas ng crime rate sa probinsyang ito.

Ang Batangas ay kilala ding kanlungan ng ibat ibang uri ng kriminal na nagagamit ng mga vice financier sa kanilang operasyon. Hamon ito sa kakayahan ni Col. De Chavez na ayon sa ating mga Camp Crame insider ay taal na Batangueno dahil ipinanganak at nakatira ito sa bayan ng San Juan.

Pero kung ano ang napapabalitang maganda at nakakabilib na estado bilang maasahang PNP official ay tila hindi gumagana sa panlasa at paningin ng kanyang mga kababayan dahil ang nakikita kay Col. De Chavez bilang bagong PD ng lalawigan ay kabaligtaran sa napapabalitang magaling at maayos itong opisyal ng kapulisan.

Mahigit isang buwan na sa pwesto si Col. De Chavez pero walang nakikitang pagbabago ang lalawigan ni Governor Herrmilando Mandanas. Sa halip na mawala o mabawasan man lamang ay lalo pang nadagdagan at dumami ang lantarang operasyon ng illegal gambling con drug operation tulad na lamang ng pinatatakbong mga mini casino sa pusod ng Poblacion tabi lamang ng Lian Public Market sa munisipalidad ni Mayor Joseph Peji.

Ang isa pang pasugalang gamit din na front sa bentahan ng shabu ay ang parang mini casino sa Brgy. Manghinao sa munisipalidad ni Bauan Mayor Ryan Dolor.



MINI-CASINO SA LIAN PANAKOT AY NEW PEOPLE’S ARMY!
SA tinagal-tagal na din ng inyong lingkod sa pagiging mamahayag ay ngayon lamang natin narinig na ang Communist Armed Wing na New People’s Army (NPA) ay nagpapatakbo na ng iligal na pasugalang kung wawariin ay isang ligal na mini casino at ito ay ang nasa Poblacion Lian.

In fairness sa ating mga kapatid sa kilusang Rebolusyonaryo ay hindi tayo naniniwalang sasangkap sila sa pag-ooperate ng mga iligal na pasugalan na tulad ng matatagpuan sa tabi lamang ng palengke ng bayan na hindi naman kalayuaan sa mga opisina nina Lian Mayor Joseph Peji at Lian Police Chief Jeffrey M. Dallo?

Malamang ay ipinananakot lamang ang pangalan ng isang Commander daw ng NPA na operator ng naturang mini casino, para walang mangahas na residente na umangal sa pagkakaroon doon ng lantarang mga pasugalan.

Iisiping ito ay protektado pagkat may nakabantay pang unipormadong pulis sa oras na malakasan ang tayaan sa sakla, color game at maging ng mahjong at bilyar na mala-konsiyerto ang pustahan na umaabot sa milyones ang halaga. Sa kabila nga ng lantarang operasyon nito ay dedma lamang kina Mayor Peji at Major Dallo.

PERGALAN CON MINI CASINO SA BAUAN
KUNG kailan pa naman nakapwesto si Col. De Chavez ay saka naman sinabayan ng pag-ooperate ng pergalan (perya at sugalan) con mini-casino sa Brgy. Manghinao, sa bayan ng Bauan na ang operator ay isang Madam Norma.

Ipinagmamalaki ng beteranang pergalan (perya at sugalan) operator na si Madam Norma na may permiso sa kanya ang “Bauan Little Mayor“para makapagpasugal ng color game, beto-beto at ang malakasang tayaan ng cara y cruz. Tila “bahag ang buntot” at hindi matinag ito ni Bauan Police Chief Allan De Castro sa takot na mapagalitan at maipatapon sa kangkungan.

Malaking kapulaan din sa liderato at kakayahan ito ni PD Col. De Chavez. Kilala din kaya ni

Mayor Dolor ang bulastog na “Little Mayor” sa kanilnag bayan?

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144.