Advertisers
I URGE, nakikiusap po ako, itong House Bill 7963 ni Bicol Saro partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan ay dapat na aksyonan agad – hindi lang ng Kamara, lalo na ang Senado.
Sa HB 7963, nais ni Rep. Yamsuan na likhain ang Agricultural Pension Fund (APF) para sa obrero sa sektor ng agrikultura, pangisdaan at iba pang manggagawa na lumilikha ng pagkain sa ating mesa.
Pwede po ba, Mr. President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., i-certify nyo na urgent ang panukalang batas ni Rep. Yamsuan, yamang kayo po ang agriculture secretary at kung maitatayo ang pension fund na ito, makatitiyak na mabibigyan ng bagong dugo na bubuhay at magpapasigla sa agrikultura ng ating bansa.
Ewan ko ba naman, sa tinagal-tagal ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Kongreso mula 2007 na pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawang bukid sa bansa, hindi naisip na gumawa ng batas na tulad ng nais ni Rep. Yamsuan.
E, ayon sa 2019 data ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumiit na ang bilang ng agri-fishery worker nitong nakalipas na limang taon, paano nga kasi, ang humawak sa sektor na ito, lalo na ang Deparment of Agriculture (DA), pinalakas ay importasyon, hindi ang sarili nating produksiyon ng pagkain.
Puro rally kasi itong tropa ng KMP. Ika nga ng iba sa Kongreso, yan ang kapisanang walang silbi, por dios por santo!
***
Eto ang datos: 9.7 milyong maliliit na magsasaka at mangingisda ang nakalubog sa kahirapan, at kailangang-kailangan ng ayuda, e kung ‘yung mga tambay at mahihirap na pamilya ay may 4Ps, tama ring ayudahan – sa paraan ng pension fund ang ating tagalikha ng pagkain.
Kasama ni Rep. Brian si Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte sa paglikha ng HB 7963 APF na pangangasiwaan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Sa Bikol region lamang, mayroong 708,000 agri workers ang makikinabang sa pension fund na ito na totoong buwis buhay na sa pagtatrabahong-kalabaw pero silang nagpoprodyus ng bigas, gulay, prutas at pagkaing isda at karne ay siya pang wala halos makain at laging nasa bingit ng pagkagutom.
Sila ang poorest of the poor in our society, at tama po rito si Rep. Yamsuan at Rep. Villafuerte.
Kung sa pasyente, kailangan nila ng dextrose upang mabuhay, at ang pension fund na ito ang magdurugtong sa buhay at kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangisngisda.
“Pag sila ay mahina na at nagretiro na sa pagsasaka at pangingisda, kailangan nila ng pandugtong buhay, isang lifeline aid mula sa ating gobyerno,” sabi ni Rep. Yamsuan.
Tama si Rep. Villafuerte, matagal na, noon pa dapat ay mayroon nang pension fund para sa kanila at kasama tayo sa media na umaasa, ito ay agad na aaprubahan ng Kongreso.
Kailangan na, agad-agad ang sapat na proteksiyon ng gobyerno para hindi malubog sa kahirapan ang mga obrerong tagalikha ng pagkain – na nais ni PBBM ay mapalakas, mapayaman upang magkatotoo ang pinapangarap na seguridad at matatag na suplay ng pagkain.
***
Kakatwang tayo ay agricultural country, pero ang tagalikha ng pagkain ang isa sa pinakamahirap na sektor ng ating lipunan – hindi na ito nakagugulat kungdi man nakaiinis!
Sa HB, tungkulin ng PCIC – isang ahensiya na nakakabit sa DA – na lumikha ng pension plan na ang pondo ay ilalagay sa investment upang matiyak ang paglago at matatag na pananalapi.
Nakalulungkot ang datos ng PSA na mula sa 11.296 milyong agri worker noong 2015, nasa bilang na 9.698 milyon na lang ito nitong 2019, at wag sanang mangyari na lumiit pa ang bilang nito na pininsala gawa ng pandemyang COVID-19.
Dahil kulang sa suporta, ang mga bukid ay nakatiwangwang at naibenta ng mga magsasaka na naisip na lang maging OFW at ito ang lalong nagpahina sa ating produksiyon ng pagkain.
Ngayong si PBBM ang agri secretary, umaasa tayo, uunahin niya ang kapakanan ng sektor ng magsasaka, mangingisda at poultry, hog and meat producer at sana, i-certify niya ito nang urgent!
Kung malilikha ang lifetime pension para sa sektor na ito, mahihikayat, mapasisigla sila na manatiling manggagawang bukid at pangisdaan, at sa gayon, mangyayari ang food security na pangarap ni PBBM.
Please, Mr. President Marcos, please certify na urgent ang HB 7963, kailangan na ito, pandugtong buhay sa ating naghihirap na manggagawa sa sektor ng agrikultura.
***
Uulitin ko mga masugid kong tagasubaybay, napakarami po nating batas kontra sa mga ilegalista/ismagler sa Bureau of Customs (BoC), may mga batas tayo sa revised penal code na nagpaparusa sa mandaraya ng buwis, at mga special courts na nalikha para usigin, litisin at parusahan ang mga bigtime smugglers.
Sobra-sobra nga, kung tutuusin at kung maipatutupad ng maayos ang mga batas, wala nang lugar pa para makapagpalusot kahit isang hibla ng sinulid o karayom ang isang ismagler.
Ngunit bakit balitang dyan sa Port of Batangas na pinamumunuan ng isang matikas at magandang district collector ay umano may nangyayaring daan-daan, libo-libong mga ilegal na kargamento hanggang ngayon ang nakalulusot?
Sadya bang pinalulusot ang mga nagpapalusot o inutil o kakutsaba ang mga tagapagpalusot ng batas at pamunuan ng Port of Batangas?
Nagtatanong lang naman.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.