Advertisers
Parang nagkaroon ng trading ang GMA, ABS-CBN at TV 5 pagkatapos ng kontrobersya sa Eat Bulaga. Tila mga koponan sila sa NBA o PBA na nagpalitan ng mga player sa isang major three team deal.
Napunta ang TVJ sa Singko matapos ang 28 na taon sa Kapuso Network. Ang It’s Showtime ng Kapamilya Network ay nalagay naman sa sister station ng Siyete na GTV makalipas lang ng 12 buwan ng MVP-owned station.
Dahil sa rigodon hindi na mapupunta sa pang-hapon na slot sa Kapatid Channel ang Showtime gaya ng unang plano sa pagpasok ng Dabarkads sa noontime slot. Kaso magkakaroon naman ng mga teleserye ng Lopez-group sa TV5 sa hapon kaya apektado pa rin ang airing ng PBA sa kanilang unang laro tuwing Miyerules at Biyernes.
Tila mas may tiwala sina Manny Pangilinan sa pangkat nina Tito, Vic at Joey kaysa PBA. Kung sabagay maraming taon na ang liga sa kanila pero lugi pa rin ang kumpanya. Paniwala ng TV5 ay makakajackpot na sila sa TVJ. May mas mainam na track record nga naman ang grupo ng tatlo kaysa pro league. Sobrang ganda ng alok nila sa orig EB na bukod sa popondohan nila ay ipagkakatiwala ang produksyon sa trio. Idagdag pa ang posibleng mga bagong programa at ibang platform. Hayun sila napili. Ang iba offer ay airtime lang at ang iba pa pera lang nguni’t walang tiyak na carrying station.
Pero tulad ng binigyan nila dati ng kontratang sina Dolphy, Aga Muhlach at Sharon Cuneta ay pababa na mga kasikatan. Hindi rin kasing lakas ng signal ng 2 at 7 ang 5 kaya mahihirapan talaga talunin ang mga pangunahing station na GMA Network na lamang now.
Naku sana kumita na sila sa investment nilang ito. Baka ito na last card nila.
***
Saan ba talaga magdridribol si Chris Paul pagbubukas ng NBA sa Oktubre. Galing Phoenix, dinala sa Washington tapos napunta sa Golden State.
Hala kaiiangan ba ng Warriors si CP3 kahit nasa kanila pa sina Steph Curry at Klay Thompson. Tumanda lang lalo ang team sa pagdating ng beteranong point guard at pagkawala ni Jordan Poole.
Ano ang final plan sa kanya ni Coach Steve Kerr? Palaruin, gawing trade bait o i-buy out? Abangan!
***
Sa Lunes malalaan natin mismo kay Commissioner Fritz Gaston ang mga programa at prayoridad nila sa Philippine Sports Commission (PSC). Espesyal na bisita natin siya 4 – 5 PM sa OKS@DWBL 1242 khz na may streaming sa YouTube at Facebook. Co-host natin sa palatuntunang hatid ng BioFresh si sportswriter Lito Cinxo.