Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MARAMING rebelasyon ang Kapuso actress na si Rita Daniela nang maging guest siya ng King of Talk na si Boy Abunda sa Fast Talk.
Aniya, bilang artista, dumaan daw sa tatlong yugto ang kanyang karera na siyang dahilan kung bakit nagpapalit-palit siya ng pangalan.
Nagsimula raw kasi siyang kontesera sa isang singing competition kaya ang real name niyang Rita Iringan ang kanyang gamit.
Naging Rita de Guzman daw naman ito nang mabigyan siya ng pagkakataong umarte at kinarir ang pagiging kontrabida.
Ang huli raw na Rita Daniela ang masasabing highlight ng kanyang career bilang singer, aktres at mom.
Isa sa mga isiniwalat niya ay ang pinaglihian daw niya sa kanyang baby ay ang Kapuso heartthrob na si Mavy Legaspi kaya raw may dimples ang kanyang supling.
Gayunpaman, humingi raw naman siya ng permiso kay Kyline Alcantara, nobya ni Mavy, ukol dito.
Tungkol naman sa kumpetisyon nila ni Julie Anne San Jose na kapanabayan niya noong nadiskubre sa isang singing talent show, ani Rita, wala raw siyang nararamdamang inggit sa nobya ni Rayver Cruz.
Naniniwala raw kasi siyang lahat ng tao ay may nakatakdang panahon.
“Kasi naniniwala po ako na we all have our seasons. At ito ang season ni Julie at ang season ko ngayon is to be a full-time mom and to be the best mom to Uno,” deklara niya. “Since nanggaling kami sa competition, parang understood na ‘yon sa amin na we have this healthy competition because we’re both competitive and I like that about us,” pahabol niya.
Tungkol naman sa nangyari sa kanila ng ka-love team na si Ken Chan, aminado siyang nahulog siya rito.
“Siguro masasabi ko na lang, ‘yung nangyari sa amin ni Ken, it’s an almost love story. Kasi ang almost, ‘yun ‘yung masakit, ‘di ba?’, bulalas niya.
Hindi naman niya ikinaila na hindi rin naging maganda ang kanilang naging paghihiwalay ng actor.
“Actually, we stopped talking for a long time,” deklara niya. “I had to give time for myself. Because ‘yung nangyari sa amin ni Ken, I just didn’t lose a friend. I lost a best friend and a family in one. That was very painful for me,” dugtong niya.
Fast forward, sa ngayon daw ay okey na sila bilang magkaibigan.
Sa tanong naman kung ano ang na-miss niya kay Ken, ito raw ay ang mga tawa ng Kapuso actor.
Imbudo naman daw siya o bagay na kinaiinisan niya sa love team partner ay ang pagiging kuripot nito.