Advertisers
Nailigtas ang dalawang Turkish nationals, at isa sa kanila ang nalapnos ang balat nang tumalon sa karagatan mula sa nagliliyab at sumabog na yate sa Limbones island sa Barangay Papaya, noong Biyernes, Hunyo 16.
Kinilala ang mga biktima na sina Erdinc Turerer, 62, single, architect at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Baras, San Isidro, Leyte; at Ergel Abdulla, 40, may-asawa, boatman, naninirahan sa Tapilon, Daanbantayan, Cebu City, ayon sa ulat ng Nasugbu Police.
Naunang nasagip si Turerer ng mga mangingisda sa Barangay Papaya at dinala sa dalampasigan at agad naman iniulat kay Barangay Chairman Marlon Limboc ang insidente, na humingi ng tulong sa Nasugbu Coast Guard para hanapin ang nawawalang si Abdulla.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang coast guard at kalaunan nakatanggap ng impormasyon na si Abdulla ay nasagip ng MV Lady Martina.
Base sa salaysay ni Turerer, 3:00 ng madaling araw lulan sila ng yate galing ng San Isidro, Leyte at patungo sa Ilocos Norte habang malakas ang alon.
Nahulog ang reserbang gasolina na nasa container sa kinalalagyan at tumapon ang laman hanggang kumalat sa engine room at umabot sa gas tank at dito nagkaroon ng pagliyab hanggang sa sumabog.
Nagtamo si Turerer na first-degree burns sa kaniyang binti at braso, samantalang hindi nasaktan si Abdulla, kapwa sila dinala Jabez Medical Center, Nasugbu, Batangas, at nasa ligtas nang kalagayan.(Jocelyn Domenden)