Advertisers
DINAKIP ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang magkakapatid na alkalde, dating pulis, at ABC President sa Batangas, Sabado ng madaling araw.
Ang mga ito ay kinilalang sina Mabini, Batangas Mayor Nilo Villanueva, mga kapatid niyang sina ABC President/Barangay Chairman Bayani Villanueva, at ex-police officer Oliver Villanueva sa magkakahiwalay na pagsalakay sa kanilang bahay sa Brgy. Sto. Tomas at Brgy. Pulong Niogan sa Mabini.
Isinagawa ang mga raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Antipolo City RTC Branch 74 Executive Judge Mary Josephine Lazaro dahil sa pag-iingat ng mga ito ng mga iligal na baril.
Nakuka kay Mayor Villanueva ang isang maliit na camouflage design pouch na naglalaman ng explosive device. Nahaharap ito sa paglabag sa RA 9516, Law on Explosives.
Sumunod na sinalakay ng CIDG-NCR at Special Action Force ang bahay ni Oliver, 46 anyos, dating pulis, sa Sitio Pook, Barangay Pulong Niogan, kungsaan nakuha ang isang hand grenade at 16 piraso ng bala.
Nakuha naman sa bahay ni Bayani, kapitan ng Barangay Sto. Tomas, sa Sitio Silangan ang ilang baril, 10 bala at isang unit ng MK2 hand fragmentation grenade.
Sinalakay din ang bahay ng isa pang kapatid ng alkade na si Ariel sa Sitio Kanluran, Barangay Sampaguita, pero wala ito nang isagawa ang operasyon pero nakumpiska sa bahay nito ang isang baril at 10 bala.
Dinala si Mayor Villanueva at dalawang kapatid sa Camp Crame sa Quezon City.