Advertisers
PINAGHAHANAP ng Cavite Police ang isang construction worker nang tangayin nito ang motorsiklo, cellphone at bag ng isang engineer ng Department of Works and Highways (DPWH) sa loob ng barracks sa construction site sa Carmona, Cavite, Biyernes ng umaga.
Nakipagkoordinasyon na ang Carmona Municipal Police Station sa Binan City Police, Antipolo City Police at National Capital Regional Office (NCRPO) para sa agarang pag-aresto sa suspek na si Clarinio Raagas Allas, 39 anyos, ng Daang Pari, Brgy San Jose, Antipolo City.
Sa reklamo ni Engineer Carmelita Paguingan, 62, kay Police Master Sergeant Joel Mendoza, ng Carmona Police, naliligo siya sa loob ng barracks ng DPWH Construction Site sa Sugar Road, Brgy Lantic, Carmona 9:15 ng umaga nang sumalisi ang suspek, pumasok sa kanyang kwarto at tinangay ang kanyang Samsung A12, sling bag na may wallet nito, ID at importanteng dokumento.
Bago lumabas ng kuwarto, tinangay pa ang susi ng kanyang motorsiklo at ginamit na get-away vehicle.
Kinilala ang suspek base sa pinanood sa Close Circuit Television (CCTV).