Advertisers
DUGUAN at may nakatarak pang patalim sa leeg nang matagpuan ang bangkay ng 21-anyos na dalaga sa loob ng inuupahan nitong kuwarto sa Pasig City.
Natunton naman ang salarin sa Leyte pero iginiit nito na hindi niya sinasadyang gawin ang krimen.
Kinilala ang biktima na si Shakira Bautista, nagtatrabaho bilang personal assistant sa isang negosyante.
Kuwento ng pamilya, sinisikap ng biktima na maging independent kaya kumuha ito ng paupahang kuwarto sa isang boarding house sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
“Napakasakit para sa akin ‘yung nangyari sa anak ko. Kausap ko ‘yung nag-autopsy more or less, 49 na saksak ‘yung ano.. tinama ng anak ko,” ayon sa ama ng biktima na si Florencio Vinculado.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, may nakitang bahid ng dugo sa katabing kuwarto ng biktima kaya hinahanap nila ang nangungupahan doon, na nakilalang si Abundio Lagado, 31, boarder din.
Napag-alaman na nagtago sa Leyte si Lagado matapos mapatay ang dalaga.
Hunyo 13, sumuko si Lagado sa pulisya. Nakonsensiya raw ito. Inamin niya ang krimen pero itinanggi niya na plano niyang pagnakawan o gahasain ang dalaga.
Ayon kay Legado, kagigising lang niya noon nang aksidente niyang mabuksan ang pintuan ng common CR ng boarding house kungsaan nasa loob ang dalaga.
“Sumigaw siya, magnanakaw tsaka gagahasain ko daw siya. Kumuha siya ng kutsilyo po. Inano niya po ako dito [sa kamay]. Tapos nagdilim po ‘yung paningin ko nag-away po kami. Natumba nga pong kaming dalawa doon sa salamin. Nagdilim ‘yung paningin ko itong nangyari nasaksak ko po,” ani Lagado.
Ayon kay Lagado, hindi niya sinasadya ang nangyari at humingi siya ng patawad sa kaniyang ginawa.
“Wala po akong intesyong rape-in o pagnakawan ‘yung, ang biktima. Nag-away lang kami.
Nagdilim ang paningin ko,” paliwanag niya, pero hindi ito pinaniniwalaan ng pamilya ng biktima.
Ayon sa Pasig Police, walang nawawalang gamit ang biktima pero hinihintay pa ang official report ng medico legal para malaman kung pinagsamantalahan si Shakira.
Sinampahan na ng reklamong ‘murder’ si Lagado.