Advertisers
HANGGA’T sila ang nasa posisyon sa siyudad ng Navotas ay walang makapag-ooperate ng kahit anong klase ng iligal na pasugal, yan ang litanya ng mga Tiangco na nagtagal na ng halos dalawang dekada bilang mga lider ng lungsod.
Ngunit napaglalangan yata si Navotas Mayor John Rey Tiangco dahil marahil lingid sa kanyang kaalaman ay may 20 taon nang nag-ooperate ng kanyang EZ2, PICK3 at Loteng ang isang Jode sa labing-walong (18) barangay ng naturang siyudad.
Ang pinakamalakas na kubransa ng kanyang bookies operation ay sa Brgy. Sipac- Almacen kung saan tatlong beses itong nagpapa-rebisa ng hindi kukulangin sa Php 1.5M kada araw kasama na ang kubransa mula sa taya sa kanyang “panablahan” operation na ang taya ay nagmumula naman sa mga “ibinabatong” koleksyon ng mga kapwa nito ilegalista na nag-ooperate din ng nasabing uri ng pasugal hindi lamang sa Navotas kundi sa ibat ibang panig ng Metro-Manila.
Pagkat isang big-time gambling maintainer si ex-Kagawad Jode, siya ang komokopo ng malalaking taya na hindi kayang bayaran sakaling tamaan ang mga ordinaryong bookies operator ng mga mananaya.
Kung bakit nakakalusot ang illegal gambling operation ni Jode sa pang-amoy ni Navotas Police Chief Col. Alan Umipig, ay walang nakakaalam, ngunit may sumbong na maaaring sadyang pinalulusot nila si Jode?
Kung tunay na pinalulusot ng pulisya ng lungsod ng Navotas ang operasyon ni Jode, baka malintikan si Col. Umipig kay Northern Police District Chief BGen. Edgar Penones?
Kung ngayon pa lang malalaman ni Mayor Tiangco ang mga kabulastugan nitong si Jode, suhestiyon natin ay utusan niya si Col. Umipig na lusubin na ang lantarang rebisahan ni Jode sa Sipac- Almacen, Navotas kung saan inereremit ng kanyang mga kubrador at kabo ang hindi kukulangain sa Php 1.5 M na bet collection araw-araw.
LANTARANG EZ2, PICK3 AT LOTENG NI OLDAT SA QC
KUNG may isang proyekto na nagpa-wow at nagpabilib kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ito ay ang Three-Minute Quick Respond (3MQR) Scheme ng kasalukuyang liderato ni Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Nicolas Torre III.
Ang 3MQR na “first of its kind” at kauna-unahan sa bansa ay joint project ng QCPD at local government na nagsisilbing makabagong anti-crime strategy ng kapulisan ng lungsod para mabilis na pagtupad sa kanilang trabaho bilang mga tagapagpalaganap ng katahimkan at kaayusan ng kapaligiran ng siyudad.
Sa pamamagitan ng modernong electronic gadget na gamit sa command center sa Camp Karingal PNP Headquarter ay mabilis na naibabato at naiikalalat kaagad ang mensaheng natanggap na may nangyaring insidente ng krimen kahit saan mang sulok sa QC.
Sa sandaling matanggap ng command center ang crime report, agad itong inere-relay sa mga nagpapatrulyang pulis at ang pinaka-malapit na mobile car ay kaagad na reresponde sa nagaganap na krimen kaya naging matagumpay ang anti-crime tool na ito ng QCPD.
Pero, tila may tinitingnan at may tinititigan yata ang 3MQR project na ito dahil ayon sa mga residente, ilang beses na nilang inerereport sa command center ang tungkol sa lantarang operasyon ng EZ2, Pick3 at Loteng ng isang nagngangalang Oldat pero tumagal na ng ilang buwan ay walang dumadating na respondeng mga pulis.
Hindi naman siguro pwedeng ikatwiran ni BGen. Torre III na hindi maaring respondehan ang mga nagaganap na pasugal, dahil ang EZ2, Pick3 at Loteng bookies operation ni Oldat ay isang uri din ng krimen na kasama ng mandato ng mga kapulisan ng QCPD na kailangang lansagin dahil nilalabag ng mga sangkot sa operasyon nito ang umiiral na batas.
Ipinangangalandakan ni Gen. Torre III ang tagumpay ng 3MQR pero kung pagbabasehan ang pahayag ng mga residente tungkol sa di pagresponde nila sa lantarang gambling operation ni Oldat sa QC, aba’y mukhang nabudol ni BGen. Torre III si PNP Chief Gen. Acorda Jr. tungkol sa proyektong ito?
Si Oldat ay matagal nang nag-ooperate ng kanyang EZ2, Pick3 at Loteng bookies sa halos 142 baragay ng QC, lalo na sa itinuturing na kaharian nito, ang mga barangay ng Pag-asa, Bahay Toro, Apolonio Samson, Tala, San Francisco del Monte Avenue, Novaliches, Masambong, Bagobantay, Bungad, Paltok, Tatalon, Roxas District, Commonwealth, Libis, Bagumbayan, Quirino District, Batasan Hills, Cubao lalo na sa may mga malalaking squatter area at mga palengke sa naturang siyudad. Milyones ang kinakaleng salapi ni Oldat, kalahati naman nito ay napupunta sa kanyang protektor na opisyales ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI).
Bukod sa hayagang pag-ooperate nito ng naturang iligal na pasugal sa lungsod ni Mayor Joy Belmonte, ay bankero pa ito ng “panablahan” sa buong kalakhang Maynila at mga lalawigan ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
***
Para sa komento: Cp No. 09664066144.