Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
AYON sa magaling na aktor-direktor na si Ricky Davao, unang ginawa niya nang mag-out ang kanyang daughter na si Rikki Mae ay ang kausapin ito nang masinsinan.
Aniya, tanggap daw niya ang pagiging miyembro ng LGBTQA+ community ng anak.
Wala rin daw pagkakaiba ang kanyang pagtanggap kung ang anak niyang lalake ang nagkumpisal na ‘gay.’
“Pareho lang dapat, di ba? Ang importante, happy sila. Ako, eh…ang paniwala ko, basta happy sila. Kung anuman ang direksyon nila sa buhay. Kung anuman ang gusto nilang gawin. Siyempre, may limitations lang na huwag silang magnanakaw, na magganito o magganoon. Pero if it’s about love, ok,” aniya.
Dagdag pa niya, naipakilala na raw ni Rikki Mae sa kanya ang nobya nito.
Wala rin daw siyang tutol kung sakaling magdesisyon ang anak na magpakasal sa kabaro sa hinaharap.
Hirit pa niya, hindi raw naman naging mahirap sa kanya ang pagtanggap sa sekswalidad ng anak dahil sa mundong kanyang ginagalawan.
Hindi naman ikinaila ni Ricky na may non-showbiz girlfriend na siya ngayon.
First time raw niya itong aminin lalo pa’t naging bukas na naman ang ex niyang si Jackie Lou Blanco tungkol sa kanilang relasyon sa panayam kay Boy Abunda.
Nananatiling magkaibigan daw sila ni Jackie at maganda ang kanilang co-parenting arrangement nila sa kanilang mga supling.
Hindi naman niya isinasara ang posibilidad na magpakasal din siya sa iba balang araw bagama’t ayaw daw niyang magsalita nang tapos.
“Di ko sinasarado. Kumbaga, been there, done that. Hindi ko alam eh. Mahirap, eh. Siyempre habang nagkakaedad ka, hinahanap mo rin na may kausap ka for companionship, may kakuwentuhan, may ka-share ng something. Siyempre, ang mga anak mo lumalaki na, may kanya-kanya nang buhay. Pero nandiyan pa naman to listen at hindi lang to listen, nakikialam din,” pagbibida niya.
Proud naman si Ricky na sa kanyang edad ay nabigyan siya ng pagkakataong magbida sa “Monday First Screening”, ang kauna-unahang pelikulang iprinudyus ng NET25 Films.
Honored din siya na muling makasama ang de-kalibreng actress na si Gina Alajar sa nasabing pelikula na kamakailan lang ay nagkaroon ng invitational premiere para sa senior citizens at members of the press.
Sa “Monday First Screening,” ginagampanan ni Ricky ang papel ng isang retired architect na na-inlove sa kapwa niya senior citizen.
Mula sa direksyon ni Benedict Mique, tampok din sa pelikula sina Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Che Ramos, Ian Ignacio at ang umuusbong na love team nina Allen Abrenica at Reign Parani.