Advertisers
KINONDENA ng Philippine Army (PA) ang sunod-sunod na pagpatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa apat na lalaki na pinagbintangang kanilang intelligence asset sa Negros Occidental.
Sa ipinalabas na pahayag ng Roselyn Jean Pelle Command (RJPC)-NPA, inamin nitong sila ang pumatay kay Jomarie Nabeses, 41 anyos, magsasaka, ng Barangay Cambayobo, Calatrava, noong Hunyo 10, 2023, ganap na 7:20 ng gabi sa Sitio Mahusay, Barangay Cambayobo.
Sinabi ni Pelle na si Nabeses ang responsable sa pagsalakay ng militar sa kanilang kuta sa Barangay Cambayobo noong 2010 na ikinamatay ng kanilang miyembro. Ito aniya ang nagbibigay ng mga impormasyon kung saan naglulungga ang mga lider ng NPA at mga kasapi na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Sa imbestigasyon ng Calatrava Police, nasa sakahan si Nabeses nang pagbabarilin ito ng mga armadong grupo gamit ang kalibre .45 at 5.56 mm.
Samantala, sa pahayag naman ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng Mt. Cansermon Command-NPA South Central Negros Guerilla Front, kilala bilang Central Negros 2, inamin nito na sila ang responsable sa pagpaslang kay Michael “Kulot” Soledad noong June 2 sa Brgy. Carabalan, Himamaylan City.
Giit ni Magbuelas, malaki ang naging papel ni Soledad sa ginawang pagsalakay ng militar laban sa kanilang grupo noong March 1 sa Sitio Canagban, Brgy. Carabalan, Himamaylan City na nagresulta sa pagkamatay ng apat nilang kasamahan na sila alyas Ka Jemon, Ka Sardo, Ka Andres, at Ka Jeloy.
Sinabi pa ni Magbuelas na residente si Soledad sa Sitio Canagban subali’t lumipat lamang ito ng tirahan sa Barangay Carabalan proper pagkatapos lusubin ng militar ang kuta ng MCC-NPA unit.
Sa ulat, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang dumating ang mga armadong lalaki, kinausap ang misis nito saka nilapitan si Soledad at binaril sa ulo.
Inako rin ni Magbuelas ang pagpaslang sa pinsan ni Regie na si Michael Soledad noong April 19, na kasama rin ng militar sa pagsalakay sa kanilang grupo noong March 1 at nagsisilbi rin asset ng 94IB.
Maging ang pag-salvage kay Raul Enmacino noong May 25 sa Sitio Colihao, Brgy. Buenavista, Himamaylan City ay inako rin ni Magbuelas.
Aniya, si Enmacino ang isa sa pangunahin nilang suspek na pumatay sa dalawang miyembro ng NPA noong Abril 1, 2022 na sina Elbert Nicholas Quillano alias Carding, at Jessa “Ka Clea” Quillano, na kapwa nakatira noon sa kanilang bahay.
Mariin naman pinabulaanan ng militar ang akusasyon ng rebeldeng grupo sa mga biktima na tiktik nila ang mga ito.
Batay sa rekord ng militar, si Quillano ay platoon leader ng Central Negros 2 at ang misis nitong si Jessa, isang medical officer, ay napatay nang makaengkwentro ang grupo ng 94IB.