Advertisers
NANAWAGAN si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas sa Hilagang Luzon na mas palakasin pa ang “Solid North” regional bloc at panatilihin ang matatag na pagkakaisa ng mga miyembro para sa interes ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni PBBM sa ginanap na oathtaking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Northern Luzon Alliance (NLA) sa Malacañang kung saan binalikan pa ng presidente ang mga panahon na itinuturing na ‘politically irrelevant’ o walang saysay ang grupo.
Binigyang diin ng Pangulo na ang pagkakaisa ng NLA ay naramdaman aniya noong panahon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Sr.
Ayon sa Presidente, bagama’t nawalan ng kapangyarihan ang mga Marcos noong mga nakaraang administrasyon na sumunod sa kanyang ama, tumibay at nanatili aniya ang pagkakaisa at kapangyarihan ng mga miyembro ng alyansa.
Ang NLA ay isang grupo ng mga mambabatas mula sa Ilocos Norte at iba pang parte ng Northern Luzon na kinabibilangan ni 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III na nagsisilbi bilang honorary chairman.
Kasama rin sa alyansa sina Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba, NLA President; Mountain Province Rep. Maximo Y. Dalog Jr., NLA Executive Vice President; Pangasinan 1st District Rep. Arthur F. Celeste, NLA Vice President – Region 1; Isabela 1st District Rep. Antonio T. Albano, NLA Vice President – Region 2; CAR at Kalinga Rep. Allen Jesse C. Mangaoang, NLA Vice President.
Ang iba pang opisyal ng grupo ay sina ABONO Party List Rep. Robert Raymund M. Estrella, NLA Vice President; La Union 1st District Rep. Franciso Paolo P. Ortega V, NLA Secretary; Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson-Meehan, NLA Treasurer; at Isabela 4th District Rep. Joseph S. Tan, NLA Auditor. (GILBERT PERDEZ)