Advertisers
IBINAHAGI ng biyuda ng napaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo nitong Martes, Mayo 16, na handa siya sa posibilidad ng pagbaliktad o pagbawi ng salaysay ng suspect-witness sa pagpatay sa kanyang mister.
“Even from the start, I was also already informed by my lawyers that that is something we should also expect. Parang it didn’t come unexpected, ‘yung recantation,” sinabi ni Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo.
“From their experience, it has really become part of a legal process, ‘pag nasa gitna na tayo, papunta na tayo sa pag-file ng kaso kay Congressman Teves,” dagdag pa niya, na tumutukoy kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., hinihinalang mastermind sa Degamo slay.
Nitong Lunes ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang paghahain ng murder complaints laban kay Teves ay nabalahaw dahil anim sa pitong suspects-turned-witnesses ay ayaw nang makipagtulungan, batay narin sa abiso ng kanilang mga abogado.
Bagama’t wala pa namang bumabaliktad o nagbabawi ng kanilang pahayag, sinabi ni Remulla na posibleng mangyari ito.
Sinegundahan ito ni Degamo at sinabing handa siya sa “worst case scenario”.
“I already have that in mind na baka mangyayari talaga… kasi [nag-i-expect] tayo ng worst scenario. But we are still very confident that we will make it,” dagdag pa ni Mayor Degamo.
Ani Remulla, 10 murder complaints ang ihahain laban kay Teves dahil 10 katao ang namatay sa insidente. Maliban pa dito, ilang reklamo rin ng multiple frustrated murders at multiple attempted murders ang ihahain.
Sa ngayon ay nasa 10 suspek ang nag-uugnay kay Teves bilang siyang pumatay sa gobernador.
Sinabi ni Remulla na walang makakapigil sa kanila para magsampa ng nararapat na kaso laban kay Teves.