Advertisers
INANUNSYO nitong Martes ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakatanggap siya ng ikalawang surrender feeler mula kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag pero duda kung ang huli ay talagang seryoso sa pagsuko.
“There were two feelers sent. One through a Cabinet official and another through one of my friends but it looks like they’re not really serious in surrendering,” sabi ni Remulla sa reporters sa Department of Justice (DOJ).
Noong Abril, inihayag ni Remulla na unang nagpasabi ng surrender feeler si Bantag sa isang Cabinet official.
Ang ikalawang surrender feeler mula kay Bantag ay sinabi ng kaibigan ni Remulla sa law enforcement, anim na araw na ang nakararaan, habang ito’y nasa United States kasama ni Presidente Bongbong Marcos, Jr sa kanyang official visit.
Sinabi ni Remulla, naniniwala siyang si Bantag at kanyang dating deputy na si Ricardo Zulueta ay isang “package deal”, sinabing ang dalawa ay nababahala kungsaan sila ikukulong.
“One of the topics being discussed was the place of detention. But we’re amenable to special arrangements to DG (director general) Bantag and Mr. Zulueta if that is a problem to them,” sabi ng kalihim.
Ang pangunahing concern, ayon kay Remulla, para kay Bantag at Zulueta ay hindi sila ikukulong sa pasilidad ng BuCor facility, kungsaan si Bantag ay dating director general.
Si Bantag ay akusado ng pagpatay sa radio commentator na si Percy Lapid at inmate na si Jun Villamor, ang umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid, habang siya noon ang BuCor chief.
Ipinaliwanag ni Remulla na normally, ang mga bilanggo o persons deprived of liberty na sumasailalim sa trial ay dinadala sa Bureau of Jail Management and Penology, hindi sa BuCor.
Pero ang mga bilanggo na nag-testify laban kina Bantag at Zulueta ay nasa custody ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sina Bantag, Zulueta at iba pa ay nahaharap sa 2 murder charges sa pagpaslang kina Lapid at Villamor.
Si Lapid ay binaril-patay sa labas ng tinitirahang subdivision sa Las Piñas noong Oct. 3, 2022, habang si Villamor ay pinatay sa loob ng kanyang kulungan sa New Bilibid Prison noong Oct. 18, ilang oras matapos siyang tukuyin ng umaming gunman na si Joel Escorial bilang middleman.
Ang warrants para sa pag-aresto sa kanila ay inisyu ng Muntinlupa at Las Piñas regional trial courts.