Advertisers
SUGATAN ang 25 estudyante nang mauwi sa sakuna ang masaya sanang outing at birthday celebration nang sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyan nilang trak patungo sa beach resort sa Campostela, Cebu.
Nagtamo ng mga bali, pasa, sugat at bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 25 magkakaibigang senior high school students na nasa edad 16 hanggang 20 anyos. Isinugod ang mga ito sa Danao City Hospital.
Samantala, naka-hospital arrest naman ang drayber ng Bingo truck na sinakyan ng mga biktima na nakilalang si Randy Ocampo, 44, residente ng Barangay Kalunasan, Cebu City.
Sa ulat ni Police Captain Kelvin Roy Mamaradlo, acting chief ng Compostela Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente 3:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Barangay Magay.
Nagmula ang mga estudyante sa Cebu City.
Ayon sa drayber, pumutok ang isang gulong ng sasakyan, dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela at mataranta, imbes na preno ang naapakan niya ay silinyador ang kanyang naapakan hanggang sumalpok ito sa isang poste ng kuryente sa tabing kalsada.
Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon ang mga biktima sa kalsada.
Ayon naman sa mga estudyante, napakabilis magpatakbo ni Ocampo. Ilang beses nila itong sinabihan na huwag masyadong mabilis subalit hindi ito nakinig sa kanila.
Nahaharap sa kasong ‘reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to property’ si Ocampo na bantay-sarado sa pulisya sa ospital.