Advertisers

Advertisers

WATERLESS PERO TULOY ANG RATE INCREASE!

0 217

Advertisers

GUSTO ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), dating National Water and Sewerage System (NAWASA), na ipagbawal muna ang paggamit ng infalatable pool at car washing kasi malakas daw kumunsumo ng tubig.

Ito lang ang kaya mong gawin, Sir Jose Dorado Jr. deputy administrator ng MWSS para ma-solve ang water crisis – na taon-taon naman e nararanasan natin pag tag-init.

Pero pag nalulunod tayo sa tubig-baha tuwing tag-ulan, may krisis din sa inuming tubig at panghugas ng kung ano-ano sa bahay natin.



Ang una mong pagbawalan – na hindi naman susundin – e ‘yung mga rich and famous na may malalaking swimming pool sa kanilang mansion, e kung bakit ang mga dugyot ang pinag-iinitan mo, ha, Sir Dorado.

Ang asikasuhin nyo ang dalawang ‘ganid’ na water concessionaire nyo – na mula nang isapribado itong MWSS noong 1995, sa loob ng 10 taon, Agosto 1997-2007 umabot sa 357.6% ang itinaas na singil ng Maynilad at 414% naman sa Manila Water.

Obligahin nyo ang Manila Water at Maynilad na palitan ng mga bagong tubo (ng tubig) na sabi ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., e ikinabit noong World War II.

Tapos naniningil pa ang dalawang ganid na kompanyang ito sa sewerage, e inayos ba nila ang mga imburnal, daluyan ng waste water na sakop ng kanilang prangkisa?

Sa prangkisa nila, obligasyon ng Maynilad at Manila Water na magbigay ng potable water, ibig sabihin, tubig na maiinom, e malinis pa ang tubig sa mga balon sa probinsiya, mga bwisit kayo.
***
Kaya raw ipina-privatized ang MWSS dahil inutil at nagbaon sa gobyerno sa utang na US$ 307 million noong 1995 – na dito $204 milyon mula sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).



Sa National Water Crisis Act of 1995, napunta sa Lopez owned Ben Press Holding ang west zone na hawak ng Maynilad (ngayon ay kay Manny V.Pangilinan) at ang east zone ng Manila Water ng pamilya Ayala.

Sa kontrata, 90% ng utang ng MWSS, aakuin ng Lopez Family at 10% ng Ayala family sa kondisyon na sila ang bahala sa produksiyon at distribusyon ng tubig.

Ipinangako ni dating Pres. Fidel Ramos na mababa ang water rates na hindi nangyari, at taon-taon, at sa inimbentong Rate Rebasing pinayagan sa concession agreement na mabawi ng dalawang concessionaire ang kanilang “historical capital, operating and investment expenditures, and review future capital, operating, and investment plans.”

Tapos itong inutil na gobyerno, pumayag na mabawi ng Maynilad at Manila Water ang naluging pera kapag lumakas ang piso kontra dolyar sa sistemang foreign currency differential adjustments (FCDA) at accelerated extraordinary price adjustment (AEPA).

Anak ng baka, talagang sinugurado nila na mababawi ang investment nila sa tinatawag na foreign exchange losses.

Kawawa naman daw kasi sila, pag nalugi, ang gobyerno naman, uto-uto at pumayag.

Bakit hindi nila ibigay ang ganitong pribilehiyo sa maraming maliliit na negosyo?

Tapos, pinauso pa nila, dagdag sa FCDA at AEPA, pumayag ang MWSS na kumolekta ang Maynilad at Manila Water ng dagdag na P1 per cubic meter para raw sa currency exchange rate adjustment (CERA).

Kaya kahit walang tubig sa gripo mo dahil sa bumaba ang halaga ng piso sa US dollar, nakabawi na, kumita pa ang mga lintik, courtesy of MWSS.
***
Sobrang sama pa ng serbisyo ng Maynilad at Manila Water, taon-taon, mayroon tayong krisis sa tubig at patuloy sila sa paniningil sa sewerage, sanitation at kapag tumagas o pumutok ang tubig, alam nyo na, tayong consumer ang nagbabayad niyon sa tinatawag nila na “non-revenue water” – ay ganid talaga!

Sa kapabayaan nila na hayaang bulok na tubo ng tubig ay tumagas o masira at hindi agad mapalitan, ang nasasayang na tubig, tayo pala ang nagbabayad niyon.

Katulad na katulad ng sa Meralco na yung ninakaw na koryente at koryenteng nawala dahil sa kalamidad, may natumbang poste, o may nagkakabit ng jumper at nakapagnanakaw ng koryente, consumer ang nagbabayad.

E, iisa ang may-ari ng Maynilad at Meralco, dating Lopez ngayon ay si Pangilinan na!

At ang tapang nila, kasi nang ipatigil ng MWSS ang taon-taon na automatic increase sa water rates, idenemenda nila ang gobyerno: gumastos ang MWSS ng $400,000 noong 1999 -2000 sa kasong isinampa ng Manila Water at P230 milyon sa kaso ng Maynilad sa arbitration court sa Singapore.

Nanalo ng P3.6 bilyon ang Maynilad at P7.4 bilyon ang Manila Water sa arbitration pero sa galit noon ni dating Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte , pinutakte niya ng put!(&*%?! sina Pangilinan at Ayala na binantaang idedemanda ng economic sabotage, tumiklop ang dalawang kompanyang masiba sa pera.

Hindi na raw nila sisingilin ang gobyerno at papayag siya na baguhin ang concession agreement sa produksiyon at distribusyon ng tubig.

Tama si Duterte sa ginawa niya, kasi po, ayon sa Article XIV of the 1973 Constitution at Section I Article XII of the 1987 Constitution, sinasabi na ang Tubig ay pag-aari ng Estado at hindi ng pribadong kompanyang tulad ng Maynilad at Manila Water.

Ang magkaroon ng magagamit na tubig ay isang human rights at hindi dapat na gawing private and profit-oriented monopoly ang tubig.

Pero ang masakit, sa papel lang ito nangyayari dahil hindi natutupad ang mga batas na nagsasabing sa Estado o sa gobyerno ang tubig.

Sabi sa Article XII (National Economy Patrimony) Section 2 of the 1987 Constitution mandates that all water resources are owned by the State and shall not be alienated.

Dagdag dito, ang pagtuklas, pagpapaunlad, paggamit, superbisyon ng lahat na natural na pagkukunan ng tubig ay nasa kapangyarihan ng Estado – hindi ng Maynilad o ng Manila Water o ng iba pang Water District sa buong bansa.

Mayroon tayong Water Code na lumikha sa National Water Resources Board (NWRB) pero ano ba ang naging pakinabang ng taumbayan sa ahensiyang ito na ang tungkulin ay pangalagaan, payamanin at ayusin ang pagpapalakad ng mga kompanyang pribado, publiko o sosyohang gobyerno at publiko para sa pakinabang at kabutihan ng taumbayan.

Mahal na Pangulong Marcos, marahil ay panahon nang balasahin o bigyan ng ultimatum ang mga MWSS, NWRB, Local Water Utilities Administration (LWUA) na magtrabaho at pag walang nagawa para ayusin ang water crisis, pagsisibakin sila.

Mabibigo ang nais ng Pangulo na makamit ang food security kung tuyo ang bukid dahil may water crisis ang National Irrigation Administration (NIA).

Sa patuloy na pagdami ng populasyon, kailangan nang magtayo ng mga bagong imbakan at malalaking water dam.

Kakatwa, naliligid tayo ng mga ilog, lawa at mga bukal ng tubig; nalulunod tayo sa tubig baha tuwing tag-ulan, pero mala-Sahara desert tayo tuwing tag-init!

Noon panahon ni dating Pres. Ferdinand Marcos Sr. ipinatupad niya ang small water impounding management (SWIM) na inoobliga ang local government unit na magtayo ng mini dam o imbakan ng tubig-ulan upang sa panahon na kapos sa tubig, may magagamit ang mga magsasaka, industriya at ng pamilya.

Marahil dapat itong ipagpatuloy ni PBBM.

Sa dinaranas nating water crisis, kitang-kita ang pagiging sobrang inutil ng mga ahensiya ng gobyerno natin na sundin ang mandato ng Konstitusyon na pangalagaan, payamanin, ayusin ang paggamit at pamamahagi ng tubig para sa kapakapanan ng tao, negosyo, industriya, agrikultura at iba pang gamit para sa pakinabang ng taumbayan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.