Advertisers
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen. Sa dakilang karunungan ng Diyos, Kaniyang itinampok sa Bibliya ang ilang mga biyuda na nagbigay-tulong sa ibang tao, kahit na hindi kakilala ng mga biyuda ang kanilang tinutulungan.
Napag-aralan na ng mga Kadugo ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, AND KNK, ang ilan sa mga kasaysayang ito, sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session. Karamihan sa mga biyudang ito ay pinangalanan sa Bibliya. Ruth. Anna. Abigail. Tamar. Pero, mayroon ding mga biyuda na hindi na kinilala pa.
Maalala natin dito ang biyuda na walang pangalan, pero nagbigay ng dalawang piraso ng salaping tanso sa simbahan, sa harapan mismo si Jesus, sa Marcos 12. Maalala din natin ang kasaysayang ng biyuda sa Sarepta, sa 1 Mga Hari 17. Siya yung tumulong sa propetang Elias, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa propeta ng pagkain at inumin.
Sa kuwento ng biyuda sa Sarepta, nakita natin doon na ni hindi kakilala ng biyuda si Elias. Basta na lamang dumating si Elias sa lugar ng biyuda at nakipagkita sa kaniya. Ang kamangha-mangha, ang Diyos ang nagpapunta kay Elias sa biyuda. Matapos maubos ang tubig sa ilog kung saan umiinom si Elias, inutusan siya ng Diyos na tumungo sa biyuda.
Maalala natin, pinagtago ng Diyos si Elias sa isang yungib sa tabi ng ilog sa Carit, sa silangang Jordan, dahil ipinapapatay siya ni Haring Ahab at ng asawa nito. Nagalit kasi ang hari kay Elias. Sinabi kasi ng propeta na hindi uulan sa mga lupaing nasasakupan ng hari, hanggang hindi sinasabi ni Elias na muling uulan.
Sumunod si Elias sa utos ng Diyos. Nagtago nga siya sa batis ng Carit. Doon, nagpapadala ang Diyos kay Elias ng mga tinapay at pagkain. Mga uwak ang nagdadala. Sa batis siya umiinom. Noong matuyo na ang tubig sa batis, inutusan ng Diyos si Elias na tumungo ito sa Sarepta. Sinabi ng Diyos, may inutusan na Siyang biyuda na magpapakain sa kaniya.
Ang problema lamang, naghihikahos at mahirap din ang biyuda sa Sarepta. Kumbaga, isang kahig, isang tuka lamang siya. May anak pa siyang sakiting binatilyo, isang mabigat na pasanin. Noong magkita si Elias at ang biyuda, at humingi ng pagkain at inumin si Elias sa kaniya, tumangging magbigay ang biyuda. Kokonti na lang daw ang pagkain at inumin nilang mag-ina.
Ayon sa biyuda, inire-reserba na lamang niya ang kokonting pagkain at inuming ito, upang makakain man lamang sila ng kaniyang binatilyong anak, bago sila mamatay sa gutom. Bilang sagot, binasa ni Elias ang Aklat ng Kautusan sa biyuda, kung saan nakasulat, na hindi mauubos ang arina at langis ng olibo, hanggang hindi muling umuulan sa Sarepta.
Pagkadinig niyon, ipinagluto nga ng biyuda ng pagkain si Elias, at pinainom. At gaya ng binasa ni Elias sa Aklat ng Kautusan, hindi nga naubos ang arina at langis ng olibo ng biyuda. Alam na natin ang mga sumunod na pangyayari dito. Sa pamamagitan ni Elias, muling binuhay ng Diyos ang binatilyong anak ng biyuda matapos mamatay ang batang lalaki.
Nalaman din natin na nakipagtagisan ng pananampalataya si Elias sa walong daan at limampung mga propeta ni Baal at ni Ashera sa 1 Mga Hari 18. At nalaman din natin na napatay ni Elias ang lahat ng mga propetang ito, sa tulong mga Judio na nakumbinsing palsipikado ang dinidiyos ng mga propeta ni Baal at ni Ashera.
Ano ang kaugnayan ng kasaysayang ito ng biyuda sa Sarepta sa mga napag-aralan sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado, ika 22 ng Abril 2023? Sa totoo lang, malaki ang kaugnayan ng kuwento ng biyuda sa Sarepta at sa aral na nakuha ng mga Kadugo sa nasabing AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session.
Pareho po kasi ang aral mula sa kasaysayan ng biyuda sa Sarepta, at ang mga aral na nagmula sa 2 Corinto 8 at 2 Corinto 9, na tinalakay noong Sabado, ika 22 ng Abril 2023. Pagbibigay-tulong sa ibang mga tao, pinansiyal man, o sa ibang paraan, ang matindi at makapangyarihang aral na ipinakita sa mga bahaging ito ng Bibliya.
Suma-total: marapat magbigay-tulong ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, sa mga tao, partikular sa mga kapwa mananampalataya na gumaganap sa mga gawain ng Diyos. Sa aral dito, maliwanag ang pasubali ng kasaysayan ng biyuda sa Sarepta, at ng aral mula 2 Corinto 8 at 9. Ang pagbibigay pala ng tulong sa ating kapwa ay kalooban ng Diyos.
Lumilitaw, walang sinuman ang magkakaroon ng pusong magbigay ng tulong sa kapwa, lalo na sa mga kapwa mananampalataya, kundi naunang ipinahintulot ng Diyos ang pagbibigay. In other words, kung nagbibigay ang tao sa kapwa, lalo na sa mga gumaganap, ang Diyos pala ang kumikilos sa kaniyang isip, puso, kaluluwa at espiritu, upang magbigay.
Kung hindi naman nagbibigay ang tao para sa kaniyang kapwa, ang diyablo na kaaway ng Diyos ang tiyak na nakakubabaw sa puso at isip ng taong nagdadamot sa pagtulong. Ang aral, kung ganoon, ay simple. Kung nagbibigay ng tulong ang sinuman para sa kapwa, ang Diyos ay nasa kaniya. Pag hindi ito nagbibigay, ang diyablo ang diyablo ang nasa kaniya.
Sa kuwento ng biyuda sa Sarepta, nakalagay ang aral na ito sa 1 Mga Hari 17:9. Inutusan ng Diyos si Elias sa biyuda, dahil “May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” Maliwanag, ang Diyos ang nag-utos sa biyuda upang pakainin si Elias. Oo nga, at tila di alam ng biyuda ang utos sa kaniya ng Diyos, kasi, tumanggi siya noong una na asikasuhin si Elias.
Pero, nagbago ang kaniyang isip, matapos siyang basahan ni Elias ng kapitulo at bersikulo ng Aklat ng Kautusan. Dahil sa Salita ng Diyos na binasa sa kaniya, tumulong ang biyuda kay Elias.
Kailangan nating pansinin, mahirap at tunay na naghihikahos ang biyuda. Kokonti na lang ang arina at langis ng olibo sa kaniyang imbakan. Ayaw na niyang ibahagi pa ang mga ito.
Pero, bunga ng Salita ng Diyos na binasa sa kaniya, nagbago, hindi na lamang ang kaniyang isip, kundi ang kaniyang buhay. Hindi na siya naubusan ng arina at langis ng olibo. May milagrong isa pa ang Diyos sa biyuda. Noong namatay ang anak nito, nanalangin ng todo si Elias sa Diyos upang muli itong buhay. At, dininig ng Diyos ang hiling ni Elias.
Nabuhay muli ang namatay, at ibinalik ito ni Elias sa ina. Sinabi ng biyuda, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.” Pero, may dagdag na aral sa buhay ng biyuda sa Sarepta: kapag natuto tayong tapat na nakikinig sa Salita, at totoong sumusunod sa utos ng Diyos, pagpapalain Niya tayo ng labis-labis.
Sa 2 Corinto 8 naman, maliwanag din na mababasa doon na ang pagbibigay natin sa ating kapwa, sa anumang paraan, ay mula sa Diyos. Ganito ang nakasaad sa 2 Corinto 8:1: “… Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga simbahan sa Macedonia…”
Kung ano ang kagandahang-loob ay isinulat sa 2 Corinto 8:2 “… sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sil) at bukás ang palad sa pagbibigay…” Sa 2 Corinto 8:3, mababasa natin: “… Sila’y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa…” Nagsusumamo pa nga ang mga taga Macedonia na tumulong.
Kung tutuusin, mahirap din ang buhay ng mga Kristiyanong nasa Macedonia noong mga panahong iyon. Dahil umalis sila sa pananampalatayang Judio, inusig at pinahirapan sila. Itinaboy sila sa kanilang mga tahanan. Winasak at inalisan sila ng mga negosyo at iba pang hanap-buhay. Itinuring silang mga tila may ketong. Walang gustong makisalamuha sa kanila.
Pero, sa kabila nito, nagnais at nagpursigi silang tumulong sa mga Kristiyanong nasa Jerusalem sa Israel, na noon ay inuusig at pinahihirapan din ng mga Judio, dahil kay Jesus. Sa harap nito, naging matatag ang mga taga Macedonia sa kanilang pananampalataya. At ipinakita nila ito sa pamamagitan ng pagsasantabi ng kanilang mga ikapu, alay, at handog.
Sinunod nila ang mga payo ni Apostol Pablo, isang abogadong Judio na natutong tumanggap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagpagligtas. Kusang-loob silang nagtatabi ng pera. Sa panulat ni Pablo, kinilala niyang, kaya iyon ginagawa ng mga taga Macedonia dahil ang Diyos ang nagtanim sa kanila ng kaisipan na tumulong sa mga kapwa Kristiyano.
Dahil diyan, ayon kay Pablo, lalong pasasaganain ng Diyos ang mga nagbibigay, kahit na sa gitna pa ng kahirapan, o pag-uusig, o pagdurusa. Sa ating mga Kadugo ng Simbahang AND KNK, marapat lamang nating tularan ang ginawa ng mga taga Macedonia.
Magbigay tayo sa AND KNK, para sa mga gawain, at para sa mga Kadugo at mga Kapatid na nangangailangan. Ang Diyos na ang magsusukli sa atin, sa ating pagiging bukas-palad.
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
REAKSIYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cellphone: 0947 553 4855.