Advertisers
NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhan mula sa Senegal matapos na magprisinta ng palsipikadong passport at border arrival stamp.
Nabatid kay BI Commissioner Norman Tansingco, na 37-anyos na Senegalese ay nag-apply ng extension para sa kanyang tourist visa nitong unang bahagi ng kasalukuyang buwan.
Ayon sa ulat ni BI tourist visa section chief Raymond Remigio, na napansin ng kanyang team ang pagkakaiba-iba sa documentation ng nasabing dayuhan.
Sinabi pa nito na pinagdudahan ng frontliner na si Desiree Maliksi ang passport ng dayuhan kaya ini- refer ito para sa secondary check.
Kinumpirma naman ng forensic documents laboratory ng BI na ang iprinisintang passport at border stamp ng dayuhan ay palsipikado.
Dahil dito ay pinuri ni Tansingco ang mga kawani ng immigration sa kanilang trabaho at nagbabala sa mga dayuhan laban sa pamemeke.
“Our personnel are highly-skilled in fraud detection, so schemes like this will definitely be caught,” sabi nito.
“We will deport anyone who tries to defraud the system,” babala pa ng hepe ng Bl.
Ang dayuhan ay sumasailalim pa sa imbestigasyon at nakatakdang sampahan ng paglabag sa Immigration laws at nahaharap sa deportation, blacklisting, at ipinagbabawal ng makapasok ng Pilipinas. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)