Advertisers

Advertisers

BONG GO: MGA BIYAHERO GABAYAN, ‘WAG PAHIRAPAN

0 125

Advertisers

Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa Bureau of Immigration at iba pang kinauukulang ahensya na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, kinabibilangan ng pangangalaga sa kanilang karapatan bilang mga pasahero.

Binanggit ang maraming insidente kung saan libu-libong migranteng manggagawa at turista ang nabiktima, iminungkahi ng senador na dapat ay tulungan at gabayan nang maayos ang mga manlalakbay at hindi dagdagan ang kanilang pasanin.

“Alam n’yo, naiulat nga na more than 6,000 passengers na po ang nai-offload kaya nakikiusap po ako sa ating POEA, OWWA na i-guide po nang mabuti ‘yung mga pasahero. Pupunta po ‘yan sa airport, kulang ang mga papeles at ang nakalulungkot dito, kung kulang turuan, i-guide, alalayan natin,” sabi ni Go.



“Kawawa naman po ang mga kababayan nating sasakay ng eroplano, pupunta ng airport, kulang ang papeles at io-offload. Nakapag-book na ito ng ticket, gumastos na po ito, pinagpawisan po ang perang ginastos nila para lang po makabili ng ticket. Sa OFWs, may penalty na naman sila, umpisa na naman sa zero. Dapat po ang checklist kumpleto, i-guide natin sila nang mabuti. Kung kulang, turuan para maiwasan po itong pag-offload,” idinagdag ng mambabatas.

Higit pa rito, hiniling ni Go sa mga awtoridad na huwag samantalahin ang kanilang kapwa Pilipino at idiniin na dapat gampanan ang kanilang mga tungkulin upang protektahan ang karapatan at interes ng mga pasahero.

Aniya, dapat tiyakin ang kanilang kapakanan at kaligtasan sa paglalakbay sa himpapawid.

“Kinokondena ko po ang mga ganitong balita at hindi lang po isang beses akong nakarinig ng gano’n, marami pa pong iba na narinig ko na ganun po na nangingikil,” ani Go.

“Please lang po, nawala na ang laglag bala nu’ng panahon ni (dating) Pangulong Duterte. Huwag naman po itong mga panibagong naiulat na pangingikil. Kung kailangan pong imbestigahan sa Senado, handa po akong sumali kung sakaling may reklamo po na formally sa Senado,” anang senador.



Kaugnay nito, muling nanawagan si Go ng suporta sa kanyang inihain na Senate Bill No. 1185, o ang panukalang “Bureau of Immigration Modernization Act” na naglalayong mapabuti ang sistema ng imigrasyon ng bansa.

Kung maisabatas ang panukala, mas mapapabuti ang compensation scheme ng mga nagtatrabaho sa BI. Maiiwasan din aniya ang katiwalian at mas mas mabibigyan sila ng kapasidad na pagbutihin pa ang kanilang trabaho.

“Mas maiiwasan po itong pangingikil po. Wala pong dahilan na kikilan ang mga kababayan nating mahihirap at ang OFWs sa pinagpawisan nila. Alam n’yo, bawat pag-a-apply nila, pinagpawisan nila. Ang iba diyan, inuutang pa ‘yung pera, nagsasangla para lang makapunta sa ibang bansa. Please lang, ‘wag n’yo pong pagsamantalahan ang mga maliliit nating kababayan,” iginiit ni Go.