Advertisers
ODIONGAN, Romblon – SISIHIN ng Tsina ang kanilang sarili sa pagtatanggol ng Filipinas sa sarili. Kung hindi sila naging mapagmalabis at nangahas kamkamin ang halos kabuuan ng South China Sea, mapayapa sana ang Filipinas at hindi papasok ang Estados Unidos. Mapayapa rin sana ang Tsina at hindi ituturing na isang bandidong bansa sa pandaigdigang pamayanan. Ngunit iba ang ambisyon ng Tsina. Nais nilang maghari sa daigdig.
Hindi natin alam kung batid ng Tsina ang alas na baraha ng Filipinas. Sa isang iglap, inilabas ng Filipinas ang alyansang militar sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos. Kasalukuyang pinapanday sa Washington DC ang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa na nagtatakda ng mga gamit pandigma na iimbakin sa mga base militar sa Filipinas bilang bahagi ng paghahanda sa anumang pag-atake ng Tsina sa Taiwan o Filipinas.
Pinapanday rin ang isang General Security of Military Information Agreement, isang bagong kasunduan sa information sharing at technology cooperation. Hindi sana hahantong ang ganitong sitwasyon kung nag-iisip ang Tsina. Ang nakakasuka at nakakainis ay ipinalalabas ng Tsina na kasalanan pa natin ang nangyayari. Nais ng Tsina na diktahan ang isang malayang bansa tulad ng Filipinas. Sisihin na rin natin si Rodrigo Duterte na halos magpaalila sa Tsina. Mistulang ipinagkanulo tayo ni Duterte.
Kasama sa pinapanday ay ang kasunduan kung ano-anong uri ng tulong militar ang maaaring asahan at ibibigay ng Estados Unidos sa loob ng lima hanggang sampung taon upang maibsan ang hamon ng Tsina na nagnanais sakupin ang kabuuan ng South China Sea at sikilin ang malayang paglalakbay sa malawak na karagatan. Hindi ito nangyari kahit nandito pa ang dalawang base militar ng Estados Unidos sa bansa – ang Subic Naval Base sa Olongapo City at Clark Air Field sa Angeles City.
Habang nag-uusap ang magkabilang panig sa Washington, kasagsagan ang “Balikatan,” ang military exercise ng pinagsamang hukbo ng mga Amerikano at Filipino sa karagatan ng West Philippien Sea, ang bahagi ng South China Sea na pag-aari ng Filipinas. Pinangunahan ni Defense Secretary Lloyd Austin at State Secretary Antony Blinken ang Estados Unidos. Si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Defense OIC Secretary Carlito Galvez Jr. ang namuno sa panig ng Filipinas. Tinawag na 2+2 ang pag-uusap.
***
SISIHIN rin ni Gerard Bantag ang sarili sa nangyayaring gusot sa kanyang buhay. Pinalitan na siya ni Gen. Gregorio Catapang bilang pinuno ng National Bilibid Prison. Ngayon, nahaharap siya sa sakdal na murder tungkol sa pagpaslang kay radio commentator Percy Lapid. Lumabas noong Miyerkoles ang arrest warrant laban kay Bantag at Ricardo Zulueta, ang kanyang assistant. Hindi maaaring magharap ng piyansa si Bantag kaya siguradong diretso siya sa kulungan.
Hindi namin alam kung paano tatanggapin ni Bantag ang arrest warrant. Nauna niyang sinabi na hindi siya magpapakulong. Totoong mahirap tanggapin ni Bantag na ikukulong siya. Naging mapagmalabis siya sa mga bilanggo noong panahon na siya ang nasa poder. Hindi namin alam kung malulon niya ang sitwasyon na kapareho na lang mga bilanggo na kanyang pinagmalabisan noong nasa ibabaw siya ng gulong.
***
KASADO na rin ang formal investigation ng International Criminal Court (ICC) kay Rodrigo Duterte at mga kasabwat sa madugo pero bigo na giyera kontra droga ni Duterte. Hindi nakumbinsi ng pipitsuging Menardo Guevarra ng OSG na suspendihin ng ICC ang formal investigation. Tuloy tuloy ito hanggang pumasok ang susunod na kabanata – ang pag-usig kay Duterte at mga kasama.
Hindi kinilala ng ICC ang mga katwiran na inilatag ni Guevarra ng OSG. Umabot sa 59 pahina ang sagot ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan na humihiling sa Pre Trial Chamber ng ICC na ibasura ang panawagan ni Guevarra na suspendihin ang formal investigation. Lubhang seryoso ang mga krimen upang hindi pansinin, ani Khan. Hindi kinilala ng ICC ang katwiran ni Guevarra na walang jurisdiction ang ICC sa Filipinas sapagkat tumiwalag na ito noong 2019.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Staying with journalism – despite its vexations or maybe because of them – is also ‘taking sides.’ Because when one strives to shine the light, one should know the sun sets too, that you’re just a speck in a complex universe of infinite struggle – and hope.” – Glenda Gloria, netizen, mamamahayag
“It’s hard to win an argument with a smart person, but it’s damn impossible to win an argument with a stupid person.” – Bruce Murray
Have you heard of China-Duterte Virus outbreak in depressed communities like Baseco, Barrio Magsaysay, Paraiso and Sunog Apog in Tondo and San Andres in Manila; Escopa, Agham, Payatas, Batasan Hills, and Tatalon in Quezon City; and West Rembo in Makati City, among others? Their residents are susceptible to an outbreak because of the cramped spaces and filthy living conditions there. Why is the outbreak primarily on the politicians, the rich and powerful, and the socialites, or celebrities, or those who had resided and traveled from abroad? Our frontline medical workers have also suffered collateral damage. Any baseline data? – PL,netizen
“We’re not a people born to cowardice but to courage.” – Ma. Lourdes Sereno, Chief Justice
“Bloggers don’t follow tenets of journalism. They are not subject to any code of ethics. They don’t know journalism even if they do some journalistic works. We don’t know those bloggers. They could not be brought to court or any legitimate forum in redress of grievance. The Internet is a gray area. Being nontraditional, it’s undefined as a medium. Jurisprudence has not been established on online media.” – PL, netizen
***
KAILANGAN na repasuhin ang K-12. Kailangan masagot ang tanong na bakit hindi tinatanggap sa trabaho ang mga nagtapos ng K-12. Malalim na pag-aaral na kailangan. Tulad ng EDCOM report na ginawa ng pinagsanib na komite sa edukasyon ng Senado at Kama de Representante noong dekada 1990.
***
Email:bootsfra@yahoo.com