Advertisers
PINABULAANAN ng apat na Barangay Kagawad ng Brgy. Pasong Tamo Quezon City ang akusasyon na ibinabato ng kanilang Brgy. Captain na sila ang dahilan kung bakit hindi maaprubahan ang 2023 budget ng kanilang barangay.
Sa halip pinayuhan ng mga kagawad ang kanilang Kapitan na si Brgy. Chairwoman Mae Tagle na sumunod sa batas at igalang ang proseso nito.
Sa isang press conference, mariing itinanggi ni Brgy. Kagawad Tricia Pilar, ng Brgy. Pasong Tamo ang akusasyon ng kanilang Kapitan na silang mga kagawad ang dahilan kung bakit hindi maaprubahan at hindi mailabas ang kanilang 2023 budget .
“Dapat sundin ni Kapitana (Brgy. Captain Mae Tagle) ang batas at igalang ang proseso nito upang maisaayos ang aming barangay,” ani Pilar.
Tahasang din itinanggi ni Pilar ang akusasyon ng kanilang Kapitan ang diumano’y pakikialam ng Kongresista ng District 6 na si Rep. Marivic Co Pilar at Councilor Banjo Pilar sa pamamalakad ng kanilang barangay.
“Never nakialam ang Kongresista at Konsehal (Rep. Marivic Co-Pilar at Councilor Banjo Pilar) sa pamamalakad ng aming barangay,” ani Pilar.
Kaugnay nito sinabi nina Brgy. Kagawad Jinger Anne De Jesus, Katherine Marcos, Tricia Pilar, Charmaine Deuna na malabong maaprubahan ang 2023 annual budget ng kanilang barangay dahil ito umano’y copy paste lamang ng nakaraang budget proposal.
Nauna rito kabilang sa inirereklamo ni Kapitan Tagle ang hindi pagpirma ng mga kagawad sa kanilang annual budget para sa taong 2023.
Sinabi pa nila Kgd. Pilar, De Jesus, Marcos at Deuna ang ilegal na pagtanggal ni Tagle sa puwesto ng nakaupong Treasurer at Secretary ng kanilang barangay at maging ang 19 na Fire Volunteers ang isa sa mga isyu dahil lamang sa hinala nito na hindi niya tagasuporta ang mga ito.
Sinabi ni Katherine Marcos, isa rin sa mga kagawad na sinubukan pa ni Tagle na ipasa umano ang budget na mali ang pagkakasulat ng kanilang mga pangalan nang ibigay ito sa kanila para sa kanilang pirma para maipasa at maaprubahan ang budget.
Hindi rin daw nagagamit sa kasalukuyan ang kanilang CCTV camera sa barangay dahil bukod sa ipinasara ng kanilang Kapitan ang opisina nito, pinagtatanggal din ang mga empleyado nito.
“Ang isyu dito ay siya.” Iginiit ni Deuna na na-padlock pa ni Tagle ang opisina ng kanilang treasurer, na nagdulot ng pagkaantala para hindi matugunan ang badyet.
Nauna rito nagpasaklolo si Brgy. Captain Tagle sa kay Quezon City Mayor Joy Belmonte at sa DILG dahil sa aksyon ng kanyang mga Kagawad sa hindi pagpirma sa kanilang annual budget ngayong taon dahilan para mabalam ang pagpapasuweldo sa kanilang mga barangay staff.
Nanawagan naman ang mga naturang kagawad sa kanilang Kapitana na sundin nito ang batas at ang proseso ng umiiral na batas upang maiasaayos ang kanilang barangay na pilit naman umanong binabaluktot ng huli. (Boy Celario)