Advertisers
TINATAYANG nasa P20 milyon halaga ng mga ismagel na mga Smart Televisions at computer system units ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawa nilang sorpresang inspeksyon sa loob ng isang bodega sa Guiguinto, Bulacan.
Ayon sa BOC, bitbit ang Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio nagsagawa ng pag-iinspeksyon ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) – Port of Manila, Criminal Investigation and Detection Group – Philippine National Police, Enforcement and Security Service – Port of Manila, Formal Entry Division – Port of Manila, at ang Legal Service, RCMG, sa isang warehouse facility ng ECOM Electronics Reconditioning Services na matatagpuan sa RIS Industrial Complex 168 Mercado St. Lot 3U, Malis, Guiguinto, Bulacan.
Sa isinagawang pag-inspeksyon, natuklasan ng Implementing Team ang iba’t-ibang mga telebisyon na may iba’t ibang laki, mga makina na ginagamit para sa lamination, mga kahon na ginagamit para sa packaging, at mga raw materials para sa reconditioning at repair.
Matapos ang ginawang pag-iimbentaryo, pansamantalang ikinandado ng Implementing Team ang storage facility na may mga BOC seal at nag-post ng 24/7 duty detail sa entrance at exit gate ng warehouse.
Inatasan ng mga awtoridad ng customs ang mga may-ari ng nasabing warehouse na magpakita ng mga kaukulang dokumento sa pag-import o proof of payment ng mga nasabing electronics.
Kung mapapatunayang walang wastong mga dokumento sa pag-import, ang mga nilalaman ng bodega ay maaaring isailalim sa seizure and forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration in Goods Declaration) na may kaugnayan sa Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) ng Republic Act No. 10863, na kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).