Advertisers
Kabilang ang iba’t ibang regional issues sa mga naging sentro ng sa Philippines-US 2+2 Ministerial Dialogue sa Washington, DC.
Sa isang joint statement, binigyang diin ang kahalagahan ng multilateralism, patuloy na dayalogo, kooperasyon, at mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan, hindi lamang sa Indo-Pacific region, gayundin sa buong mundo.
Maliban sa suporta sa soberenya at territorial integrity ng Ukraine, kinondena rin nila ang makailang ulit na pagpapakawala ng ballistic missile ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK).
Dahil dito, suportado nila ang ganap na denuclearization sa Korean Peninsula, kasabay ng panawagan sa Pyongyang na tumalima sa obligasyon nito sa ilalim ng UN Security Council Resolution.
Kasama naman sa mga lumagda sa joint statement sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Senior Usec Carlito Galvez Jr., US Defense Secretary Lloyd Austin, at US Secretary of State Antony Blinken.
Ipinunto rin ng mga kalihim ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan sa Taiwan Strait na anila’y isang elemento sa pandaigdigang seguridad at kasaganaan.
Una nang kinondena ng mga ito ang sinasabing mga iligal na aktibidad ng China sa South China Sea, at mga panghihimasok nito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. (GILBERT PERDEZ)