Advertisers
INIUTOS na ng korte ng Muntinlupa City na dakpin si dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at kanyang dating BuCor jail officer na si Ricardo Zulueta kaugnay ng pag-ambush sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at pagpaslang kay Jun Villamor, ang umano’y “middleman” sa pagpatay kay Lapid.
Si Presiding Judge Gener M. Gito ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 206, ang nag-syu ng warrants of arrest na walang piyansa.
Ang murder complaints laban kina Bantag at Zulueta sa Department of Justice (DoJ) ay isinampa noong November 2022 ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) matapos ang masusing imbestigasyon sa “double murder” kina Lapid at Villamor.
Natapos ng DoJ ang kanilang preliminary investigation sa murder complaints noong Pebrero.
Sina Bantag at Zulueta ang itinuturong masterminds ng sumukong gunman na si Joel Escoliar.
Kabilang sa mga iprinisintang ebidensiya ang “dying declaration” ni Villamor kungsaan tinukoy niya ang mga personalidad na nag-utos para paslangin si Lapid, at ang tatlong lider ng pangunahing gangs sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
Ang dying declaration ay nakuha sa cellphone ng kapatid na babae ni Villamor na si Marissa. Ang naturang messages ay ipinadala ni Villamor sa kapatid bago ito patayin ng may tiyak na utos na ibunyag ito pagkatapos siyang mapatay.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang resulta ng imbestigasyon laban kay Bantag at iba pa ay base sa “totality” ng lahat ng ebidensiya at testimonya ng mga testigo sa krimen. (JOJO SADIWA)