Advertisers
Ginilitan sa leeg at sinaksak pa sa ulo ang isang babae ng malayong kaanak nito sa Antique.
Sa ulat, laslas ang leeg at may saksak sa ulo nang matagpuan ang ang 49 anyos biktima sa bayan ng San Remigio, Antique.
Agad namang naaresto sa isinagawang follow up operation ng pulisya ang salarin na nakilalang si Grande Cabrillos, 40, malayong kamag-anak ng biktima.
Natukoy ang salarin nang makuha sa kuwarto ng biktima ang cellphone na pag-aari ni Cabrillos.
Posible umanong naiwan ni Cabrillos ang cellphone sa pagmamadaling makatakas.
Bukod dito, ilang kapitbahay ang nakakita kay Cabrillos habang tigmak ng dugo ang suot na sweatshirt nang umuwi ito noong umaga ng Martes.
Lumalabas sa imbestigasyon, posibleng naganap ang krimen sa pagitan ng 2:00 hanggang 3:00 ng madaling araw.
Umaga na umano nadiskubre ang walang buhay na biktima. Mismong ang anak nito ang nakakita sa duguang biktima na nakababa umano ang shorts. Inaalam pa kung nagahasa ito ni Cabrillos bago pinatay.
Nakita din sa kuwarto ng biktima ang alkansya nito gayundin ang nagkalat na barya sa sahig sa kuwarto at ang cellphone ni Cabrillos.
Dahil dito, agad nagsagawa ng follow up operation ang pulisya at nadakip si Cabrillos 9:30 ng umaga.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, napag-alaman na may 20 taon na ang nakalipas, pinatay din ni Cabrillos ang kanyang misis na buntis noon. Hindi umano ito nakulong dahil ayon sa pamilya mayroon itong diperensya sa pag-iisip.