Advertisers
NAG-ISYU na ng arrest warrant ang korte sa Muntinlupa City laban kay dating Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid at sa “middleman” ng killers na si “Jun” Villamor, isang inmate sa National Bilibid Prison Maximum Compound.
Ang nag-isyu ng arrest warrant ay si Judge Gener M. Gito ng Mutinlupa City Regional Trial Court Branch 206.
Ang murder complaints laban kay Bantag at kanyang co-accused (jail officer Ricardo Zulueta) sa Department of Justice (DoJ) ay gawa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) pagkatapos ng masusing imbestigasyon sa pag-ambush kay Lapid at “pagsupot” kay Villamor last year. Bravo!
Dahil murder ang kaso, ito’y ‘no bail’. Kaya malamang na ‘di pahuhuli si Bantag, na nagsabi noon pa na ‘di siya pakukulong ‘pag naisyuhan ng arrest warrant. Dahil papatayin lamang daw siya sa loob ng kulungan dahil sa dami ng kanyang naging atraso sa mga bilanggo noong warden pa siya ng BJMP. Malupit kasi si Bantag sa mga preso.
Dalawa lang ang puwedeng pagtaguan dito ni Bantag para hindi mahuli ng mga awtoridad, sa lugar niya sa Benguet o sa probinsya ng kanyang “Boss”.
Hindi narin makalabas ng bansa si Bantag dahil matagal nang may order si Justice Secretary “Boying” Remulla sa Bureau of Immigration na pigilan itong umalis ng Pilipinas.
Masusukat ngayon ang tigas ni Bantag.
Subaybayan!
***
Ang sunod na maiisyuhan ng arrest warrant ay malamang si Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo Teves.
Si Teves ang itinuturong “mastermind” ng mga naarestong nagmasaker kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at pito pang indibidwal noong Marso 4 sa tahanan ng ama ng lalawigan sa bayan ng Pamplona.
Ang NBI at PNP din ang nag-file ng patong patong na reklamo laban kay Teves sa DoJ.
Pinupuri natin ang NBI at PNP sa mabilis nilang pagresolba sa mga naturang malalaking kaso.
Siempre purihin din natin sina Senador ester Interior Secretary Benhur Abalos, Jr. at Justice Sec. “Boying” Remulla sa pagtimon sa NBI at PNP para mabilis na maresolba ang karumal-dumal na mga kasong nabanggit. Mabuhay!
Ang problema lang ay kung paano nila ihaharap sa korte si Teves gayung ito’y nagtatago na sa ibang bansa. Nasa Cambodia daw, sa lugar ng kaibigan niyang drug lord, sabi ng batikang kolumnista na si Mon Tulfo.
***
Kung totoo ang tungkol sa 14 aktibong pulis, kabilang ang siyam na opisyal mula Heneral hanggang Tinyente, na sangkot sa operasyon ng droga ng naaresto at nadismis nang si Police Master Seargent Rodolfo Mayo, ang andti-drug operative na nahulihan ng halos isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion noong Oktubre 2022, bakit hindi manlang sila napasama sa narco-list ni noo’y President Rodrigo Duterte na nagdeklara ng giyera kontra droga, na kumitil ng libu-libong drug suspects kuno.
Katunayan, ilan sa mga pulis na ito ay kabilang sa tinaguriang “ninja cops”, ang mga pulis na sangkot sa pag-recycle sa mga huling illegal drugs.
Totoo nga yatang naging selective ang war on drugs noon ng tropa ni Duterte. Kasi nga ang mga pulis na pinagkatiwalaan niyang magsugpo sa droga ay sila palang sangkot sa pagpakalat ng “basura”. At ang mga inopereyt lamang ay ang mga kalaban sa negosyong nakakabuang!
Say nyo, mga pare’t mare?