Advertisers

Advertisers

HAMON NI ES BERSAMIN SA TOYM AT KAMPANYA VS. CLIMATE CHANGE

0 197

Advertisers

Pinagkalooban ng parangal at pagkilala ng Malacañang ang The Outstanding Young Men (TOYM) para sa taong 2022.

Ginanap ang simpleng seremonya na pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa President’s Hall sa Palasyo.

Siyempre, dumating din sa okasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan masaya niyang binati ang mga honorees.



Ang TOYM awards ay isinasagawa taun-taon para kilalanin at gawaran ng parangal ang mga Pilipinong nasa edad 18 hanggang 40 na nagkaroon ng ambag sa kani-kanilang larangan at komunidad.

Kabilang dito sina Dr. Paul Gideon Lasco, Manix Abrera, Dr. Beverly Lorraine Ho, Dr. Ramon Lorenzo Luis Guinto, Dr. Ronnie Baticulon, Rico Ancog, Victor Mari Baguilat Jr., Kristian Cordero, Shawntel Nicole Nieto, at Joanne Ascencion Valdez.

Karamihan sa kanila ay nasa hanay ng health and medicine, social enterprise, environmental education, literature, culture and the arts, at iba pa.

Aba’y sa nasabing event, hinamon ni ES Bersamin ang mga TOYM awardees na ipagpatuloy at mas paigtingin pa ang pagtataguyod ng kanilang adbokasiya sa mga kinabibilangan nilang larangan.

Para kay ES Bersamin, ang 2022 TOYM ay nagtataglay daw ng malaking potensiyal upang makaambag ng kanilang talento at oras sa buhay ng mga mamamayan.



Mahalaga raw na panatilihin ang kanilang excellence o kagalingan dahil ito aniya’y maghahatid ng positibong epekto sa buhay ng marami.

Bukod dito’y kinilala rin ni ES Bersamin ang importanteng papel na ginagampanan ng mga awardees upang makahabol o makasabay sa mga nakaambang hamon, lalo na raw sa aspeto ng teknolohiya.

Samantala, mas pinatindi pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa climate change.

Katunayan, pinulong ng Climate Change Commission (CCC) ang mga nangungunang ahensya sa Philippine Greenhouse Gas Inventory Management and Reporting System (PGHGIMRS).

Sa kalatas na ipinadala sa inyong lingkod, isiniwalat ni CCC Deputy Executive Director Romell Antonio Cuenca na ikinasa raw ang aktibidad upang maisapinal ang 2015 at 2020 National Greenhouse Gas (GHG) Inventory.

Kung hindi ako nagkakamali, nilikha ang PGHGIMRS sa ilalim ng Executive Order No. 174, upang bumalangkas ng GHG inventory management at reporting system, katuwang ang mga kinauukulang ahensya para sa paghahanda ng bansa laban sa pabago-bagong klima.

Sinasabing nakatuon ang unang quarterly meeting ngayong taon sa mga nalalabi pang hakbang sa pagsasakatuparan ng National GHG inventories.

Sa pangunguna ng CCC, ang PGHGIMRS meeting, ay dinaluhan ng lahat ng member agencies, kasama ang Department of Agriculture (DA), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE), at Department of Transportation (DOTr).
***

BELATED Happy Birthday nga pala kina ASSISTANT SECRETARY JOMAR CANLAS; MS. CHONA YU ng RADYO INQUIRER; MS. TUESDAY NIU ng DZBB; at MS. EVELYN QUIROZ ng PILIPINO MIRROR.

Good luck and more power po sa inyo, mga bossing!

***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!