Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
SA totoo lang, tinamaan ako sa celebrity screening ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) sa Gateway Cineplex kamakailan.
Kailan ba yung huling pelikulang na-touched ako nang todo? Hindi ko na matandaan.
Matagal ko nang paborito si RK Bagatsing kaya nang siya ang kunin para gumanap bilang Rey Valera ay natuwa ako.
Epektibo talaga si RK na gumanap sa papel ng sikat na singer-composer. Nandun yung puso, mahusay talagang umarte. Kahit hindi siya singer ay hindi naging hadlang para hindi lumutang ang galing niya sa pag-arte. Tila siya nga ang kumakanta.
At sino ba naman ang hindi mapupukaw ang damdamin ‘pag kinanta na ni Rey ang mga sikat na awiting Maging Sino Ka Man, Kung Kailangan Mo Ako, Tayong Dalawa, Mr. DJ, Tayong Dalawa, Malayo Pa Ang Umaga, Walang Kapalit, Ako Si Superman, etc.
Magagaling din ang mga sumuportang artista sa pelikula gaya nina Christopher de Leon, Meg Imperial, Ariel Rivera, Gelli de Belen, Lotlot de Leon, Aljur Abrenica, Gardo Verzosa, Rosanna Roces, Ronnie Lazaro, Ara Mina, Dennis Padilla, Epy Quizon, Lloyd Samartino, Ricky Rivero, Jenine Desiderio, Shira Tweg at marami pang iba. Star-studded talaga ang Kahit Maputi…
Maganda ang kabuuan ng kuwento ayon sa pagkakasalaysay mismo ni Rey. Natural ang dating lalo pa nga at halaw ito sa totoong pangyayari sa kanyang buhay. Maiikli man ang mga role ng mga artistang lumabas dito ay lumutang naman sila sa iba’t ibang sitwasyong nilahukan.
Pero definitely kung ikaw ay tagahanga ni Rey Valera, gora na sa sinehan at para sa’yo talaga ito.
Ang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko ay mula sa Saranggola Media at sa direksyon ni Joven Tan.
Ipalalabas ang pelikula bilang isa sa walong entries ng Summer Metro Manila Film Festival sa April 8.