Advertisers
Sa pagtaas ng inflation rate sa buong bansa na ngayon ay lampas na ng 8-percent ayon sa pinakahuling datos ng gobyerno, parami ng parami ang mga Pilipinong nangungutang para lang maitawid ang pangangailangan.
Sa kasamaang palad, nagkakaroon ng alitan kapag hindi nababayaran ng mga nanghihiram ang kanilang mga utang, o kapag hindi nabayaran ng mga negosyo ang mga serbisyong naibigay na sa kanila.
Ngayong Linggo, mga isyu sa kontrata at obligasyon ang tatalakayin sa Cayetano in Action with Boy Abunda, o CIA with BA, ang pinakabagong public service program ng GMA na pinangungunahan ng magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano, kasama ang King of Talk na si Boy Abunda.
Sa episode na ipapalabas sa Linggo, Marso 12, haharap ang dalawang dating magkasintahan na nag-aaway ngayon dahil sa pera at ilang pag-aari.
Sa ‘Case-2-Face’ segment ng programa, makikitang inaakusahan ng lalaki ang babae na aniya’y kinuha ang kanyang mga ipon na gagamitin sana nila sa pagpapatayo ng ilang mga housing unit.
Sa ‘Payong Kapatid’ naman, hihingi ng payo kina Kuya Alan at Ate Pia ang isang grupo ng mga van rental service provider kung paano isusulong ang mga kaso na plano nilang ihain laban sa isang kumpanya na kinontrata sila ngunit hindi pa nagbabayad sa loob ng mahigit isang taon.
Masaya pa ring matatapos ang programa sa ilang mga larong Pilipino kasama ang studio audience sa ‘Alan, Pia, Pik’ segment.
Pararangalan din nina Kuya Alan at Ate Pia ang isang grupo ng mga community educators sa ‘Salamat’ segment.
Ang Cayetano in Action with Boy Abunda – o CIA with BA for short – ay pagpapatuloy ng legacy ng yumaong ama ng mga senador na si Senator Rene Cayetano, na nakilala sa kanyang programa sa radyo at telebisyon na “Compañero y Compañera” na ipinalabas mula 1997 hanggang 2001 .
Tulad ng kanilang ama, tinutugunan ngayon ng magkapatid ang pangangailangan ng mga tao para sa impormasyon at patnubay tungkol sa mga batas ng Pilipinas at kung paano ipatutupad ang mga ito sa totoong sitwasyon sa buhay.
Ang CIA with BA ay mapapanood tuwing Linggo, 11:30 ng gabi sa GMA, at may replay tuwing Sabado ng 10:30 ng gabi sa GTV. Manatiling nakatutok para sa mga update sa social media sa @cayetanoinactionwithboyabunda sa Facebook, Instagram, TikTok at Youtube.