Advertisers
Nakatakdang sumuko sa mga awtoridad ang anim na ‘persons of interest’ sa Salilig hazing case sa mga darating na araw, ayon sa Department of Justice (DoJ).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na base ito sa natanggap nilang impormasyon.
Tiniyak ni Remulla na maayos na pinamamahalaan ng mga prosecutors ng gobyerno ang
imbestigasyon sa kaso hanggang sa mapanagot ang lahat ng taong may kaugnayan sa pagkamatay ni John Matthew Salilig, isang chemical engineering student ng Adamson University.
Natagpuan ang bangkay ni Salilig noong Pebrero 18 sa isang mababaw na hukay sa Brgy. Malagasang sa Imus City, Cavite, makaraan itong pumanaw matapos ang “welcome rites” na ibinigay sa kaniya ng mga kapwa miyembro ng Tau Gamma Phi.
Anim na miyembro ng Tau Gamma Phi ang unang nasampahan ng kaso habang pinaghahanap pa ang iba.
Unang sumuko sa Manila Police District (MPD) sina Earl Anthony Romero, alyas “Slaughter”; kasunod sina Tung Cheng Teng, alyas “Nike”; at Jerome Balot, alyas “Allie”.
Sumuko naman sa Biñan City police sina Sandro Victorino, alyas “Loki,” Micahel Lambert Ritalde; at Mark Pedrosa, alyas “Macoy”, pawang mga miyembro ng Biñan Chapter ng Tau Gamma Phi.(Jocelyn Domenden)