Advertisers
Nagbibigay ng kapangyarihan ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa kababaihan sa pamamagitan ng iba’t-ibang aktibidad at programa tulad ng women’s congress, bazaar, gender awareness seminar at libreng serbisyong medikal kabilang ang pelvic ultrasound, mammogram, breast ultrasound, cervical screening at pap smear bilang pagdiriwang ng Women’s Month.
Naghanda rin ang lokal na pamahalaan ng mga aktibidad para sa mga empleyado nito sa North at South Caloocan na kinabibilangan ng purple outfit contest, health awareness activities, libreng masahe, gupit, freebies, regalo, zumba, yoga at meditation classes.
Saludo si Mayor Along Malapitan sa lahat ng kababaihan sa kanilang kabayanihan, katapangan, lakas at kahusayan sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Kinilala rin niya ang lahat ng kontribusyon ng kababaihan sa nakaraan at sa kasalukuyan. Ipinabatid din niya sa lahat na bukod sa pagdiriwang ng Women’s Month, isinusulong din ng lungsod ang pag-iwas sa karahasan, pang-aabuso, diskriminasyon at iba pang problemang kinakaharap ng kababaihan.
“Ngayong Women’s Month, ating bigyang-pugay ang lahat ng kababaihan. Napakalaki ng kontribusyon at papel na ginagampanan ng mga kababaihan, sa kasaysayan man o sa kasalukuyan. Kaya saludo po kami sa inyong kadakilaan, tapang, lakas at galing sa iba’t-ibang aspeto ng buhay,” wika ni Mayor Along.
“Kasabay ng ating pagdiriwang, isinusulong din natin ang mga suliraning kinakaharap ng kababaihan, kabilang ang karahasan, pang-aabuso, diskriminasyon at iba pa,” idinagdag ni Along.
Samantala, binati at hinimok ng Caloocan City Gender and Development Coordinating Office (GADCRO) Officer-in-Charge Ms. Jan Christine Bagtas ang mga kababaihan, mamamayan at empleyado ng city hall na gamitin ang mga libreng serbisyong iniaalok ng local chief executive sa tulong ng iba’t ibang mga tanggapan at departamento ng pamahalaang lungsod.
“Sa akin pong mga kapwa babae, lingkod bayan at sa ating mamamayan, Happy Women’s Month po! Hinihikayat po namin kayong lahat na makiisa sa ating mga aktibidad, ang lahat ng ito ay libre handog ng ating punong lungsod katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng ating pamahalaang lokal,” pahayag ni Bagtas.
Pinaalalahanan din ng local chief executive ang lahat ng kababaihan na maaasahan nila ang pamahalaang lungsod sa pagtiyak ng kanilang pag-unlad, kaligtasan, kagalingan, kalusugan, gayundin ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan.
“Sa ating mga kababaihan, asahan niyo po na kakampi at kaagapay ninyo ang ating Pamahalaang Lungsod tungo sa kaunlaran at pangangalaga sa inyong kaligtasan, kapakanan, kalusugan, at karapatan,” wika pa ni Mayor Along.(BR)