Advertisers
Humigit-kumulang na pitong buwan na sa kanyang panunungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagama’t nahararap sa maraming hamon, kaliwa’t kanan na rin ang mga programa at proyekto ni Marcos.
Kung maaalala, noong panahon ng kampanya, isa sa mga campaign slogan ng dating senador ay ang “Unity” o “Pagkakaisa” at “Bangon Bayan Muli.”
Tunay naman kasing katangian ng mga Pinoy ang pagbubuklod.
Nais itong makamit ni PBBM sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Noon pa man, alam ko nang ang pangakong pagkakaisa ay hindi lamang slogan para mahalal siya bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ngayon nga ay dahan-dahan niyang pinatutunayan na may isa siyang salita at taal siyang lider ng ating bansa.
Patunay nga rito ang pagtalaga ni Marcos kay Carlos Primo David bilang undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kilalang anak ng mga tinaguriang “pinklawan.”
Kung hindi ako nagkakamali, aba’y maglilingkod si David sa ilalim ng pamahalaang Marcos ng hindi hihigit sa anim na taon bilang co-terminus ng Presidente.
Ang batang David ay anak nina University of the Philippines (UP) Prof. Randy David at yumaong dating Civil Service Commission (CSC) chairperson Karina David.
Sinasabing mga kilalang “pinkawan” o supporters nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Vice President Leni Robredo ang mag-asawang David.
Utol din ni Carlos ang award-winning documentarist na si Kara David na chairperson ng journalism department ng UP College of Mass Communication.
Si Carlos ay ilan lamang sa mga “pinklawans” daw na nabigyan ng puwesto sa gobyerno.
Ang labor leader at aktibista naman na si Alan Tanjusay ay magugunitang iniluklok ni Marcos bilang undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Agosto 2022.
Talagang buo ang pagsisikap ni PBBM tungo sa patuloy na paghilom ng ating bansa.
Tiyak na maganda ang mararating ng bansa kung ang solidong puwersa ng mga Pinoy ay gagamitin naman sa pagsuporta at pagtulong sa gobyerno.
Mas maigi ang pagtutulungan sa mga kakulangan sa halip na gamitin itong tuntungan para maghanap ng panibagong problema o bida-bida na wala namang ibang interes na isinusulong kundi pansarili.
Tandaan na tao ang umaani o nakikinabang sa magandang palakad sa gobyerno.
***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!