Advertisers

Advertisers

‘Utak’ at bumaril sa Ombudsman employee timbog

0 176

Advertisers

HAWAK na ng pulisya ang umano’y mastermind sa pamamaril sa isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman nitong Lunes.

Kinilala ang gunman na si Marlon Ayup Nery, 47 anyos, residente ng Bayaya St., Bungad, Quezon City.

Nangyari ang insidente noong Miyerkules, Pebrero 1.



Sa report ng Quezon City Police District, nasa tapat ng isang bangko sa Quezon Avenue ang 38 anyos na biktima nang lumapit ang salarin at hinablot ang bag nito at binaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanang dibdib ang biktima.

Itinuro ni Nery si Dexter Cruz na ka-trabaho ng biktima, na umano’y mastermind sa pamamaril.

Ayon kay Nery, pinangakuan siya ni Cruz na tutulungang mapawalang-sala sa kasong illegal possession of firearms kaya nagawa niya ang krimen.

Inamin din ni Nery na tumanggap siya ng P30,000 mula kay Cruz bago ang pamamaril.



“Dati po niya kong kasama sa bumbero volunteer. Naipit lang po talaga ko doon sa kaso ko. Sabi niya matutulungan niya ko. Hindi naman po dapat ako ‘yung gagawa noon, ‘yung kausap ko, eh umatras po.

Humihingi po akong patawad doon sa pamilya,” dagdag ni Nery.

Kwento pa ni Nery, bago ang insidente naikwento ni Cruz ang problema umano nito ang mga Facebook post ng biktima.

Hindi naman idinetalye ni Nery kung ano ang nilalaman ng Facebook post.

“Ikinuwento niya sa akin na may problema siya roon sa babae, ginigipit po siya sa Facebook,” dagdag ni Nery.

Mariin namang itinanggi ni Cruz na nagkaroon sila ng relasyon ng biktima.

Kinumpirma naman ng ina ng biktima na minsan silang nagkita ni Cruz sa kanilang bahay.

“Actually, na-meet ko once. Pinakilala … bilang friend,” dagdag ng ina ng biktima.

Ayon naman kay QCPD District Director, Brigadier General Nicolas Torre III, minanmanan nila si Nery na nagpalipat-lipat ng mga pinupuntahan bago umuwi sa kanilang bahay.

“Na-backtrack namin gamit ang mga CCTV sa Quezon City at nakita namin na hindi ito simpleng robbery.” dagdag ni Torre.

Natuntonng pulisya si Cruz sa Barangay Culiat nang hainan ng warrant of arrest sa ibang kaso.

Nagkataon nagkita sila ni Nery sa Kampo Karingal at itinuro si Cruz na siyang nag-utos umano sa kanya para barilin ang biktima.

Todo tanggi naman si Cruz na siya ang nagpabaril sa kanyang ka-trabaho.

Ayon kay Torre, personal na away at hindi pagnanakaw ang tunay na motibo sa pamamaril.

Samantala, ayon sa ina ng biktima, kritikal pa rin ang kondisyon ng kanyang anak.

Narekober ng pulisya sa posesyon ni Nery ang 2 baril, 3 cellphone at motorsiklong ginamit sa krimen.

Isinampa na ang kasong ‘frustrated murder’ laban kina Nery at Cruz na kapwa nakakulong ngayon sa Kampo Karingal.