Advertisers
PARALISADO at nakaratay sa ospital ang isang overseas Filipino worker (OFW) nang mahulog sa ikatlong palapag ng bahay nang sinubukan niyang tumakas sa kanyang amo sa Kuwait.
Kinuwento ng 34-anyos na si alyas Mary sa isang TV report ang kanyang sinapit sa amo. Aniya, nagmakaawa pa siya bago mangyari ang insidente noong gabi ng January 21.
Nagpapahinga na umano si Mary sa kanyang kwarto at sumali sa TikTok live ng kanyang kaibigan pero nakikinig pala sa pinto ang kanyang among babae at biglang binuksan ang pinto ng kwarto niya.
“Kinuha niya ‘yung dalawang telepono ko at saka ‘yung headphone ko. Wala naman akong ginagawa, tapos naman na ang trabaho ko,” emosyonal na kwento ni Mary.
Pagbalik ng amo, tinanong siya kung saan ito pupunta at sinagot naman ito ni Mary na wala, pero sinundan ito ng mga sampal, sabunot, at tinadyakan pa siya sa likod.
Pagkatapos nito, ni-lock na siya sa kwarto. Dahil sa takot na baka sa susunod, mapatay na siya ng kanyang amo, naisipan ni Mary na tumakas palabas sa binta.
Lumagapak si Mary at nagtamo ng fractured spine, bali kaliwang paa, may sugat sa pisngi, may marka ng kagat sa dibdib, at paralisado mula bewang pababa. Isinugod ito sa ospital kung saan siya inoperahan.
Tinulungan naman si Mary ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait at agad binigyan ng abogado para sampahan ng kaso ang kanyang amo.