Advertisers
SINABI ng isang senador na hirap pa ring makalusot sa senado ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, marami pang dapat liwanagin ang economic managers ng malakanyang bago makapasa sa senado ang panukala.
Una rito, ang objective o layunin ng panukala sa paggamit ng gusto nilang likhain na MIF at kung ano ang modelo na gusto nilang tularan.
Binigyang-diin naman ni Villanueva ang pagkalugi ng malaki ng sovereign wealth fund ng Norway at Singapore na kabilang sa gustong tularan ng economic managers.
Ayon sa senador, dapat kapulutan ng aral ang nangyari sa dalawang bansa para mag-ingat sa mif bill dahil mas kakaunti ang resources ng pilipinas kumpara sa mga ito.
Dagdag pa ng senador, dapat pag-aralang mabuti ang balak na pagtatalaga sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines bilang permanenteng miyembro ng Board of Directors, dahil hindi angkop ang permanent membership ng mga ito dahil batay sa panukala, maaari nilang i-pullout ang kanilang investment matapos ang limang taon.