Advertisers
HINDI pa nga nabibigyan ng hustisya o wala pang napapanagot sa katiwalian ng pagbili ng P2.4 billion outdated at overpriced laptops ng mga titser ng Department of Education (DepEd) noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19, isa na namang katiwalian ang nabunyag sa loob ng ahensiya na nangyari rin noong 2019, Duterte administration.
Ito ay ang pagbili ng camera na Canon EOS 1500d ng DepEd na nagkakahalaga ng P155,929.00, na mabibili lang sa modelo ng P23,000 hanggang P33,000 sa online stores. Makukuha pa nga ito ng mas mura sa puwesto. Mismo!
Iniimbestigahan narin naman daw ito ng DepEd. C’mon…
Mas maige kung magkaroon dito ng Senate inquiry. Para matukoy kung sino na namang makapal ang mukha ang nasa likod ng overpriced camera na ito. Dapat pagpaliwanagin dito si dating DepEd Secretary Leonor Briones, ang kalihim ni President Rody Duterte mula 2016 – 2022.
Mas maganda kung maglabas ng report ang Commission on Audit ukol dito. Mismo!
Subaybayan!
***
Tama si Senador Raffy Tulfo na makabubuting i-legalize nalang ang “ukay-ukay” para kumita ang gobyerno, kesa mga smuggler at taga-Bureau of Customs lang ang kumakamal ng salapi sa imported used clothes na ito.
Ang importation ng ukay-ukay ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas, ayon sa Republic Act 4635. Pero sa kabila nito ay nagkalat parin ang tindahan ng mga ukay-ukay hanggang mga probinsiya. Malaya itong nakalulusot sa Customs dahil narin sa mga tiwaling opisyal ng kagawaran. Tama ba ako, Customs Commissioner Yogi Ruiz?
Sa inihaing Senate Bill No. 1778 ni Tulfo, layon nitong gawin nang ligal at i-regulate ang bentahan ng ukay-ukay. Aprub!
***
Nagkalat ang mga peryahan sa lalawigan ni Rizal Governor Nina Ricci Ynarez.
Kahit sa gilid ng simbahan ay may nakatayong peryahan, kungsaan lantaran ang mga sugal tulad ng colored games, beto-beto, pula-puti, skylab, drop balls, hi-low pati cara y cruz!
Naniniwala naman ako na walang alam dito ang magandang gobernadora ng Rizal, pero siguradong patong dito ang mga hepe ng pulisya ng bawat bayan lalo na ang provincial director ng Philippine National Police. Pati barangay officials tiyak pasok sa pergalan (perya-sugalan) na ito. Mismo!
Ang isa pang masama rito sa pergalan ay pinamumugaran ito ng mga drug addict at dito nagkakabentahan ng droga.
Ang isa sa mga dapat sisihin ng pagkakaroon ng pergalan sa lugar ay ang barangay chairman, mayor at pulisya ng bayan. Kung walang bendisyon ng tanggapan nila, walang pergalan sa lugar. Period!
***
Tama ang pamunuan ng Manila Police District (MPD). Na dapat lahat ng tatakbo sa Barangay at SK Elections ay magpa-drug test, isama ang result ng drug test sa pagsumite ng Certificae of Registration (CoC).
Kaso mayroong ruling ang Korte Suprema na ‘wag gawing requirement ang drug test. So sad!
Pero for transparency nalang, mas maganda kung ang mga tatakbo o kandidato na mismo ang magkusa na sumailalim sa drug test para makatiyak ang mga botante na walang bahid ng illegal drugs ang kanilang iboboto. Mismo!