Advertisers
NAHARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Manila at Pampanga ang anim na hinihinalang biktima crypto trafficking syndicate.
Iniulat ni Travel Control and Enforcement Unit Chief Ann Camille Mina na tatlo sa mga biktima ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong January 20, matapos na magtangkang lumipad palabas ng bansa via Air Asia flight patungong Bangkok.
Sa ulat ni Mina, sinabi ng tatlo na sila ay kasama sa group tour at nagprisinta ng iba’t-ibang dokumento na nagpapatunay ng kanilang affiliation sa isang lokal na kumpanya. Pero nang inspeksyunin ay hindi magkakatugma ang pahayag ng mga ito kaya naman ini-refer ito sa secondary inspection.
Sa nasabing inspection, inamin ng tatlo na sila ay patungong Laos at inalok ng P40,000 na sweldo bilang customer service representative, sales representative at cook sa isang investment company. Sinabi nila na sila ay na-recruit ng isang ahente na nakilala nila sa social media.
Iniulat din ni Mina na noong January 31, naharang din ng mga officers sa Clark International Airport ang tatlong lalaking biktima na nagtangkang lumipad patungong Thailand.
Ang tatlo ay nagsabi na sila ay nagtatrabaho sa isang local cargo company at kasama sa group tour. Pero inamin din ng mga ito na sila ay na-recruit para magtatrabaho bilang encoders at e-games staff at inalok ng 1000 USD bilang sweldo ng isang ahente na nakilala lamang nila sa social messaging application.
Nagpahayag ng pagkabahala si BI Commissioner Norman Tansingco sa dumadaming bilang ng mga Filipino na nabibiktima ng trafficking syndicates upang iligal na magtrabaho sa ibang bansa sa mga business process outsourcing companies sa ibang bansa.
“There are reports that many of our kababayan are offered work in BPOs, only to end up working for scamming companies abroad,” sabi ni Tansingco.
“We reiterate our warning not to entertain offers received on social media, and always coordinate with the Department of Migrant Workers when applying for legal work abroad,” dagdag pa nito.
Ang babala ay nagmula sa dumadaming bilang ng mga ulat ng mga Filipino citizens na na-recruit at na-trafficked ng cryptocurrency scam companies na pisikal na umabuso sa kanilang biktima sa abroad. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)