Advertisers
Bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa Orion, Bataan, kung saan sinamahan niya ang isang team mula sa National Housing Authority sa turnover ng housing units sa mga nasunugan sa Bataan Village Phase 1 sa Brgy. Daang Pare.
Dati nang bumisita si Go at personal na nagbigay ng tulong sa nasabing mga biktima ng insidente ng sunog noong 2019.
“Ilan sa mga benepisyaryo ng pabahay na ito ay mga biktima ng sunog na nauna nang natulungan ng aking opisina noong 2019. Binalikan natin sila ngayon upang kumustahin at nakatutuwa naman na ang ilan sa kanila ay may sariling maayos na tirahan na,” ani Go.
Pinuri ng senador ang lokal na pamahalaan ng Orion, ang Department of Human Settlements and Urban Development sa pamumuno ni Secretary Jerry Acuzar at ang National Housing Authority para sa kanilang sama-samang pagsisikap na maglaan ng housing unit sa kabuuang 216 benepisyaryo na nawalan ng tirahan.
“Ito na ho ‘yung pagkakataon ninyo na makapagserbisyo sa bayan… yung iiwan n’yo pong tulong, ‘yung legasiya sa mga mahihirap po ay hindi po malilimutan ng ating mga kababayan,” sabi ni Go.
“Hindi lang po dito sa Bataan kung hindi sa buong bansa. Unahin n’yo po ‘yung mga mahihirap. Susuporta po ako doon sa programang Pambansang Pabahay,” dagdag niya.
Upang matugunan ang pangangailangan para sa de-kalidad ngunit abot-kayang pabahay sa buong bansa, muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan na maipasa ang kanyang mga panukala, ang Senate Bill Nos. 192 at 426.
Ang SBN 192, o mas kilala bilang Rental Housing Subsidy Program, ay layong mabigyan ng sapat at matitirhan ang mga Pilipinong apektado ng sakuna.
Sa ilalim ng panukala, bubuuin ang isang programa sa pabahay at proteksyong panlipunan upang mabigyan ang mga biktima ng kalamidad ng mas abot-kayang access sa pormal na pabahay sa pamamagitan ng pagbibigay subsidiya sa pagpapaupa na ibinibigay ng gobyerno.
Sa kabilang banda, ang SBN 426 o ang iminungkahing National Housing Development, Production and Financing (NHDPF) Program ay patataasin ang produksyon ng pabahay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng stakeholders.
Ang panukalang batas ay magbibigay garantiya sa access at abot-kayang sistema ng pagtustos sa pabahay para sa mga informal settler sa bansa.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development at ang mga kalakip nitong pangunahing ahensya sa pabahay ay paiigtingin ang pagpapatupad ng programa ng NHDPF.
“Medyo ambitious itong bills na ito pero sana pagdating ng panahon, sana magkaroon ng oportunidad na magkaroon ng sariling bahay ang bawat isa o bawat Pilipino lalo na ang mahihirap. Sila ang unahin natin,” sabi ni Go.
“Hangarin natin na wala nang maging squatter sa sarili nilang bayan,” dagdag niya.
Noong araw ding iyon, sinaksihan din ni Go ang groundbreaking ng Oval Sports Facility at nag-inspeksyon sa isang evacuation center at barangay hall sa Limay, Bataan kung saan tinulungan din niya ang ilan sa mga residente. Nagsagawa rin siya ng inspeksyon sa Limay viewdeck.
Matapos nito ay nagtungo siya sa Mariveles kung saan siya dumalo sa ribbon-cutting ceremony para sa Super Health Center sa nasabing bayan. Tinulungan din niya ang mga residente sa Mariveles.