Advertisers

Advertisers

NAUBUSAN NG ALAS SI RODY

0 6,758

Advertisers

NANG nagpalit ang namamahala sa pamahalaan noong nakaraang taon kita ang tikas ng pababang pangulo at may pag-irap kay Boy Pektus. Kapansin pansin na ‘di nagkikibuan ang dalawa na parang ‘di magkakilala o sadyang ayaw ni Totoy Kulambo sa papasok na bagong pangulo at iba ang gusto sa panguluhan. Matindi ang pagtanggi ni TK maging sa pag-alalay ni Boy Pektus sa mas may edad na pangulo. Walang paki si Totoy Kulambo na nakasimangot kahit silip sa TV coverage ang asta at askad ng mukha. Habang si Boy Pektus ay nagpipilit na maalo o sinusuyo ang mamang katabi upang makapagpalitan ng kahit ilang linya ng usapan. Hindi mailarawan ni Boy Pektus bakit ganito ang tayo ng dating pangulo lalo sa pakikitungo sa kanya. Sa totoo lang, mahaba ang panahon upang balikan ang ‘di maayos na relasyon ng dalawang lider ng bansa.

Sa pag-upo ni Boy Pektus sa puno ng Balite ng Malacanan, maraming piging ang naganap ngunit wala si Totoy Kulambo sa mga piging na naganap. Patunay na walang balak makipag sosyalan sa mga tanders ang pangulo. Sa mga piging na pormal o impormal tunay na nagkakapalitan ng kaisipan kung paano magpalakad ng bansa. Nariyan ang mungkahi ng mga dating naging pangulo o maging ang ilang senior leaders na kilala sa maayos na pagpapalakad ng programang pambayan. At kung may lakas pa, kinukuha bilang senior adviser at karaniwang kasama sa opisyal-pasyal na ginagawa ng kasalukuyang lider. Sa katunayan, nariyan ang dating pangulong Andak na karay-karay ni Boy Pektus sa huling mga opisyal-pasyal na ginawa. Ito’y paraan upang masabi sa kapwa lider o mga negosyante na malalim ang banko ng kasalukuyang gobyerno kung ekonomiya ang usapin.

Sa opisyal-pasyal na ginawa sa Tsina, silip na wala si Totoy Kulambo kahit batid na malapit ito sa lider ng pinasyalang bansa. Hindi isinama o sumama ang dating pangulo na hudyat na hindi ito malapit kay BP. At walang maiaambag itong na ideya na makakatulong sa usapin sa seguridad at teritoryo ng bansa. Batid ni Boy Pektus ang kahinaan ni TK, at ang lakas lamang nito’y ang bibig na palamura. Maselan ang usapin ng seguridad at teritoryo, kayat ‘di kailangan ang walang alam na si Totoy Kulambo. Ang masakit, maraming usapin at kasunduan ang nabago sa dahilang ‘di natuloy ang mga proyekto dahil sa dami ng kinakausap na tauhan ng dating lider na gayla ang dating sa mga Tsekwang kausap.



Sa pagtigil ni Boy Pektus sa Balite ng Malacanan hindi umigi ang relasyon nito kay Totoy Kulambo. Sa halip nagkaroon ng ilang batakan sa pwesto na nagbunga ng ilang pagpapalit ng kalihim sa mga kagawaran na may kinalaman sa seguridad pambansa. May espekulasyong na inaalog ni Totoy Kulambo ang liderato ni BP. Ito’y upang ipadama na malakas pa ito sa mga unipormadong tauhan sa pamahalaan kahit ala sa pwesto. Resulta, nabigay ang liderato sa tanggulang pambansa, ang hepe ng sandatahan lakas at maging ang Security Adviser sa mga malalapit na lider kay Totoy Kulambo. Lumabas ang tanong kung ito pagtiklop o taktika ni Boy Pektus upang malaman ang malalim na dahilan ng mga labang isinulong sa panahon ng dating pangulo? O’ patunay na ‘di sapat ang maluklok sa pwesto sa pagiging halal at ‘di boses ng mamamayan ang umiral noong panahon ng halalan. O’ tunay na wala nang lakas ang mga dating opisyal na tauhan ng amang minsang sinunod ng sandatahan.

Tunay na nagbabago ang takbo ng buhay, ang dating matikas at walang takot sa sinuman ay natataranta sa nakikitang kaganapan sa bansa. Napapadalas ang pagdalaw ng mga opisyal ng Estados Unidos sa ngalan ng usapang panseguridad sa rehiyon ng Asya Pasipiko. Subalit may ibang dating sa dating sigang si Totoy Kulambo ang mga pagbisitang nagaganap lalo’t lumalakas ang panawagan na buksang muli ang usapin ng “crime against humanity” o ang EJK. Na nariyan muli ang International Criminal Court na nagpahiwatig na bubuksan ang usapin dahil sa nakitang “probable cause”. Sa pahayag ng ICC, naglipana o dumami ang mga trolls sa social media upang sagkain ang pahayag ng ICC. May nagbabangit na walang hurisdiksyon ang ICC sa sinuman sa bansa dahil bumitiw na bilang kasapi. Sa pagbaha ng mga pahayag sa social media masasabing naglabas ng puhunan ang kung sino upang lutuin o lituhin ang kaisipan ng mga Pinoy. Hindi tinantanan ang ICC at pilit na kinukumbinsi si Mang Juan na hindi maaaring manghimasok ito sa usaping legal sa bansa.

Maging ang katukayo ni Mang Juan na mula Cagayan ay naglabas ng pahayag na ipadakip ang mga ICC personnel na gagawa ng imbestigasyon hinggil sa EJK. Hindi ito sang-ayon sa batas ng bansa lalo’t walang pahintulot ng pamahalaan, ayon sa tukayo ni Mang Juan. O’ sinasagka ang pahayag ng ICC dahil sa mga pagdalaw na ginawa ng ilang opisyal ng Estados Unidos. Batid ng bayan na hindi kasapi ng ICC ang EU, ngunit mahalaga sa mga ito ang usapin ng karapatang pantao. Walang makapagsabi kung napag-usapan ito ni Boy Pektus at ng bisitang taga US of A. Subalit sa pag-usal ni Mang Juan ng Cagayan, ‘di malayo na isang advice kay Boy Pektus na huwag hayaan na maganap ang pag-usisa ng ICC.

Sa pagdaloy ng mga araw, nariyan ang pahayag ng ibang personalidad ng Inferior Dabaw Group na handa umano ito na humarap sa imbestigasyon kung papayagan ng pamahalaan higit ni Boy Pektus. Tunay na nababahala si Sen. Kojak sa kaganapan lalo’t batid ‘di magka-amistad si Totoy Kulambo at Boy Pektus. Kay Sen. Kojak, ang magpakita ng huwad na katapangan ang tamang kilos ng masabing wala itong kinalaman sa mga krimeng pinag-uusapan lalo’t ang laban kontra droga ng pamahalaan ni Rody. Ang makadagdag kaba’y ang nauubos na alas ni Rody kay Boy Pektus ng ihain nito ang mga pwesto bilang Kalihim na Tanggulang Bansa at ng Hepe ng Sandatahang Lakas at ang Security Adviser sa mga batang IDG. At ang dahilan sa paghina ng kapit nito kay Boy Pektus. At sino ang tutol sa imbestigasyon ng ICC.

Kung papayag si Boy Pektus sa gagawing imbestigasyon ng ICC, ito ang bangungot sa gising na si Totoy Kulambo lalo’t sa ipinakita sa una na ‘di niya ibig ito sa panguluhan. Lumalakas ang kabog ng dibdib ng IDG lalo’t ‘di batid ang napag-usapan ng bisita na nagmula sa Estados Unidos. Ang maihain ang sakdal sa ICC’y at hayaan ni Boy Pektus na tumuloy ng alang pagtutol sa pamahalaan ang alas na ‘di nakita ni Totoy Kulambo ng irap-irapan ang una. Sa mga isasalang sa imbestigasyon, hayaang dumaloy ang hustisya sa mga biktima ng EJK at mapawalang sala ang alang sala. Tama ba to’.



Maraming Salamat po!!!