Advertisers
Ni JULIE E. BONIFACIO
PILIT na dinadawit si Luis Manzano sa masalimuot na money issue sangkot ang nagpakilalang investors na inirereklamo, ang Flex Fuel Petroleum Corporation.
Taong 2020 nang umupo si Luis bilang Chairman of the Board sa Flex Fuel, habang ang business partner niyang si Ildefonso “Bong” Medel ang Chief Executive Officer.
Napag-alaman namin from our source na itong si Medel ay “childhood friend” ni Luis. Siya rin ang “best man sa kasal” nina Luis at Jessy Mendiola noong February 21, 2021.
Business partner din ni Luis si Medel sa isang taxi line at convenience stores.
Sa kaso ng Flex Fuel, umpisa pa lang ay napansin na umano ni Luis ang mga problema sa kumpanya.
Laging pinapaalala raw ni Luis ang necessary legal documents para sa pagpapatakbo ng negosyo. Sinasabi raw ito ni Luis sa mga ehekutibo ng kumpanya, partikular na sa business partner na si Medel.
Ang sagot lang umano ni Medel ay aayusin nito ang mga papeles na kailangan sa negosyo.
At noong February 2022 ay nagbitiw si Luis bilang chairman ng Flex Fuel. Dumating sa puntong may mga lumalapit kay Luis na investors at humihingi ng tulong para mabawi ang kanilang investment sa Flex Fuel.
Ipinarating daw ni Luis sa pamunuan ng fuel company ang mga nakaabot sa kanyang hinaing ng investors, pero wala raw ginagawang aksyon ang kumpanya.
Bagama’t bumitiw na sa kumpanya, nadadawit si Luis at inirereklamo rin ng mga investor na nagsasabing na-scam umano sila ng kumpanya.
Pagkatapos, si Luis na nga ang tumulong sa business partner sa pagtayo ng negosyo, siya pa ang lumalabas na masama at nang-scam sa tao.
Gaya ng mga investor, biktima rin si Luis.
Nang makarating ito sa pamilya at mga kaibigan ni Luis, hinikayat nila umano ang TV host na magsalita para ipagtanggol ang sarili. Pero hindi raw pumayag si Luis noon.
Ang katuwiran umano ni Luis, ayon pa rin sa source, pinili nitong manahimik noon para protektahan ang mga investor.
Naisip daw noon ng TV host, baka maapektuhan ang kumpanya at lalong walang makuha ang mga taong nag-invest dito kapag isinapubliko niya ang isyu.
Hanggang noong January 31, 2022, inilathala sa bilyonaryo.com ang ulat na limang nagpakilalang investors ng Flex Fuel ang inirereklamo sina Luis at Medel sa National Bureau of Investigation (NBI). Ang alegasyon: higit 100 katao ang nag-invest umano ng halos PHP1M kada isa sa Flex Fuel, pero bigong nakuha ang profit na ipinangako sa kanila.
Nu’ng January 31 ay sinagot ni Luis ang isyu sa pamamagitan ng official statement mula sa kanyang legal counsel na si Atty. Regidor Caringal.
Hiniling ni Luis sa NBI na imbestigahan ang Flex Fuel Petroleum Corporation matapos siyang lapitan ng mga investor nito para humingi ng tulong sa pagbawi ng kanilang mga investment sa fuel company, na isa sa ilang kumpanyang kasalukuyang may utang din kay Manzano ng mahigit 66 million pesos lang.
Paliwanag ng abugado, wala na umanong ugnayan si Luis sa Flex Fuel mula nang mag-resign ito bilang chairman of the board ng kumpanya noong February 2022.
Bagama’t si Luis ang chairman ng Flex Fuel, ayon pa rin sa abugado ng TV host, hindi nakialam si Luis sa management dahil inilihim umano ni Medel ang “operational matters” patungkol sa kanilang negosyo.
Itinalaga lang umano si Luis na chairman ng kumpanya bilang garantiya ng kanyang investment.
***
MAS maraming momshies, popshies, at anakshies ang mabibigyan ng saya, inspirasyon, at kaalaman araw-araw ng “Magandang Buhay” sa kanilang pagsama sa morning block ng TV5 simula ngayong Lunes (Peb.6), 9 AM.
Sa kanilang unang episode, samahan ang Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid na ipagdiwang ang kanyang ika-35 anibersaryo sa industriya kasama ang kanyang ku-momshies na sina Jolina Magdangal-Escueta at Melai Cantiveros. Balikan ang kanyang pinagdaanan kasama ang kanyang idolong si Kuh Ledesma pati na ang bukingan kasama ang iba pa niyang guests.
Makakasama naman ng momshies sa Martes (Peb.7) ang real life couple na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte. Mula sa loveteam hanggang sa real life, alamin ang kanilang pinagdaanan sa nakalipas na anim na taon nilang magkarelasyon.
Samantala, makipagkwentuhan kasama ang magkapatid na sina Diego at Max Gutierrez sa Miyerkules (Peb.8). Malalaman na nga sa episode kung boto ba sila kay Paulo Avelino para sa kanilang ate na si Janine Gutierrez habang magbabahagi naman si Kianna Valenciano ng kanyang mga natutunan ngayong mag-isa lang siyang namumuhay sa US.
Maki-chika naman sa latest developments ng special bond nina KD Estrada at Alexa Ilacad sa Huwebes (Peb.9) habang bibisita rin ang mga bituin ng “Darna” na sina Jane de Leon at Janella Salvador na ibabahagi rin kung paano sila naging matalik na magkaibigan dahil sa serye sa Biyernes (Peb.10).
Samahan nga ang bonding ng momshies mula Lunes hanggang Biyernes 9 AM sa A2Z, Kapamilya Channel, TV5, at Jeepney TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, at sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.
Para sa iba pang update, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, and TikTok, or visitwww.abs-cbn.com/newsroom.